Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Putok ng Butsi

Ngayong araw na ito pumunta kami ng kapatid ko sa university namin. Mag-enroll na sana kaming dalawa pero sa huli, siya lang yung nakatapos.

Pumunta ako sa dean's office para magpaassess at kumuha ng final schedule. Ieencode na dapat ni ate yung sched ko pero may lumabas na mensahe nung klinick niya yung pangalan ko na hindi ako pwede iproseso kasi kulang pa yung requirements ko.

Tumawag siya sa registrar's office para itanong kung ano ang dapat kong gawin. Pinapunta ako sa window 4 ng registrar's office.

Sinabi ko sa nakausap ko doon na nagpasa na ako ng hinihingi nila. Binigyan pa nga nila ako ng deadline at pinagawa pa ako ng promissory note. Tandang tanda ko pa yung petsa.

Hinanap ni ate yung file ko. Ang nakita lang niya yung papeles na ipinasa ko nung una kong punta doon. Hindi non kasama yung ipinapasa nila na requirement.

Nakakainis lang kasi naiwala nila yung yellow card. 500 pesos iyon. Kapag hindi pumayag ang dati kong university na ipadala na lang yung records ko, magbabayad na naman ng panibagong 500.

Ayaw nilang akuin yung responsibilidad na sila yung may kasalanan. Wala kasi kaming patunay doon sa taong tumanggap. Di na matandaan ng kapatid ko yung mukha.

Kailangan ko pa tuloy lumuwas.

Ayoko na talaga bumalik doon, sa dati kong university. Masakit kasi sa totoo lang. Iyon kasi ang dream university ko.

Ayoko na din bumalik sa unibersidad ko ngayon. Nakakaloko lang kasi yung anim na buwan akong nandoon pero ngayon lang nila ako sinabihan na wala pala akong profile at requirements.

Pinagkakitaan lang ako.

Nakakadismaya lang na gustong gusto ko sanang magsumikap pero yung kapaligiran ko taliwas sa akin. Ang hirap panatilihin yung sigabo ng kagustuhan ko nang ganon yung kinalalagyan ko.

Sa tingin ko kailangan ko na rin umalis doon kapag hindi na ito nagawan ng paraan.

Hindi na ko magpupumilit sumiksik doon.

Kung tutuusin kasi, kung totoo man ang tadhana, ginawa ko naman lahat para maging ayos ako sa unibersidad na kinalalagyan ko ngayon.

Parang tadhana na rin na naiwala nila iyon. Noong araw na ipinasa yung card, bumabagyo noon. Wala akong pamasahe kasi wala akong pasok kaya ipinakiusap ko na sa kapatid ko. Dinala niya iyon sa window 1. Di na niya naipaxerox kasi masama talaga yung panahon. Nagkataon din na hindi man lang nagkaroon ng parang proof of reception nung requirement. At, ngayon lang nila hinanap sa akin kung kailan bakasyon na.

Ang pakiramdam ko, wala ako sa tamang lugar.

Nakakapanlumo na hindi ko naman kasalanan pero ako pa maghihirap.

Mabuti sana kung pinupulot ko lang yung mga pinanggagastos ko.

Haaay...

Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Dako kong Takda

Nakatakda dapat akong pumunta sa state university kung saan ako nag-aaral ngayon at kahapon, pero hindi ako pumunta. Alam ko kapabayaan itong maituturing pero kailangan kong gawin ito kasi napapagod na ko sa bahagi ng sarili kong lumalabas kapag naroon ako.

Dito ko sasabihin lahat ng karanasan kong nakapagpapadalawang isip sakin tungkol sa pagpapatuloy ko ng pag-aaral.

Noong nakaraang linggo pumunta ako doon para sa petsa ng assessment para sa irregular students. Nakita ko yung kaklase ko sa isang subject. Sabi niya sakin after lunch pa daw maibibigay yung grades ng irregular students sa kolehiyo namin. Mag-aalas dose pa lang nito.

Bago kami umalis ng building, nakita ko pa yung pangalan kong nakapaskil sa bulletin board ng dean's office. Ang sabi doon wala pa akong naisusumite na honorary dismissal at certificate of grades mula sa dati kong unibersidad. Kumulo ang dugo ko nito kasi bumalik bigla sakin yung alaala ko nung binigyan nila ako ng deadline noong Hunyo para makuha iyan. Mahirap kumuha ng official files sa unibersidad. Matagal ang binibigay na palugit bago makuha iyon. Idagdag mo pa yung maulan na panahon noon.

Nakakapanlumo rin ang bumalik doon. Sa dalawang araw na iprinoseso ko yung pag-alis ko, dalawang araw din akong nagkulong sa cubicle sa banyo doon para lang umiyak.

Buti sumama sa akin ang nanay ko. Hulog talaga siya ng langit. Nagboluntaryo siyang sumama kasi ililibre ko raw siya ng Mcdo. Natuwa talaga ako nung sinabi niya yon. Paalis pa lang kasi ako ng bahay, masama na pakiramdam ko sa pagpunta ko sa unibersidad ko ngayon.

Pumunta kami sa Mcdo bilang palipas oras. Nawala talaga yung inis ko nung tinanong ko ang nanay ko kung anong gusto niya. Walang kaabog-abog na sinabi niyang chicken burger. Parang ilang araw na rin niyang hinahanap-hanap.

Labinlimang minuto bago mag-ala una bumalik na kami. Hinintay ko lang nang kaunti yung kasamahan ko. Nung pumasok na kami sa opisina, balikan daw namin nang alas dos. Naghintay na naman kami.

Nung nakuha ko na yung grades ko pumunta naman ako sa dean's office para sa evaluation. Siningil ako ng 450 pesos para raw sa mga aktibidades ng kolehiyo sabay sabing hindi daw doon ang evaluation ko kundi sa faculty.

Pumunta ako sa faculty at hinanap ang may-ari ng pangalan na ibinigay sa akin. Natagpuan ko naman siya agad. Mabait siya at nakakatuwa.

Kinuha agad ni sir ang clear book ng 2nd year students. Tinanong niya kung ano ang pangalan ko. Pagkabigay ko hinanap na niya agad sa listahan. Wala. Buklat siya ng isa pang clear book, wala pa rin. Kinailangan pang bulalatlatin yung ikalawa para lang mahanap yung file ko.

Sinimulan na niyang ilagay yung grades ko.

Kalagitnaan ng paglalagay niya, napahinto siya. Wala sa kurikulum ko yung subjects na nasa certificate of grades ko. Lapit siya ngayon sa department head.

Tinignan ni ginang head yung file ko at nagulat siya na blangko pa ang profile ko at walang evaluation ng registrar ang papel ko. Samakatwid, wala akong  record sa kanila ng paglipat ko. Ang malala pa, hindi tugma ang mga kinuha kong subjects sa kurikulum na sinusundan ko.

Ang nag-asikaso kasi sa akin nung pasukan ay iyong assistant dean na ngayon ay wala na roon. Nag-migrate na raw sa ibang bansa nung nakaraang semestre.

Kalokohan lang pala ang pagpasok ko doon kung tutuusin.

Pagkatapos noon ay pinabalik-balik nila ako sa faculty, sa dean's office at sa registrar para lang magkaroon ng katauhan yung pangalan na nagbayad at nagkaroon ng grades doon.

Hindi ko na isinama at sinabi sa nanay ko kung ano yung ginagawa ko. Basta iniwan ko lang siya sa tapat ng dean's office para kumportable dahil malamig doon.

Nagdidilim na nung matapos ko yung mga pinagawa sa akin. Sa huli, wala pa rin akong napala dahil di ako umabot sa assessment o encoding ng schedule. May problema pa sa pagkuha ko ng major subjects. Pinabalik ako kinabukasan para sa encoding.

Kinabukasan, uminit na naman ang ulo ko dahil sa susunod na linggo na ang resume ng mga proseso ayon sa tao na nasa dean's office. Bakit ba wala silang matinong sistema?

***

Sabi nga ni Katy Perry, "Comparisons are easily done once you had the taste of perfection."

Mahirap para sa akin na yakapin ang kinalalagyan ko ngayon dahil napakasakit ng pinagdaanan ko kaya nagkaganito. 

Sinikap kong bigyan ng pagkakataon ang sarili ko na ibahin ang pananaw ko ukol sa unibersidad na iyon pero sa araw-araw na inilagi ko doon, lalo lang pinagtitibay ng lugar na iyon ang kaayawan ko. Hindi ko mahanap yung bahid ng kaigayahan doon.

Kaya heto, sabi ko sa sarili ko kung magkakaproblema ako sa Huwebes, baka nga hindi ito para sa akin. 

Wala na rin kasi akong pera na masasayang pa para lang sa pag-asikaso sa wala.

Bahala na.

Martes, Nobyembre 4, 2014

Iba Ako kay Ako

Nitong mga huling araw madalas mangyari sakin yung "mawala sa sarili." Ang kakaiba sa pakiramdam.

Di ko maipapaliwanag nang maayos pero susubukan kong ilarawan sa abot ng makakaya ko.

Nangyayari ito nang pabigla-bigla. Tulad nung naglalaro ako sa phone ko, nung inilapag ko yung pusa mula sa pagkakabuhat, at nung naglalakad ako.

Bigla na lang nagiging tahimik tapos nawawala yung paligid. Parang hinihila ako mula sa likod. Ang nakikita ko lang puti. Tatagal iyon nang mga tatlong segundo tapos wala na. Balik na ulit sa normal. (Parang time travelling lang. Hahaha. Muntanga.)

Gusto ko sana magpatingin sa espesyalista kaso wala naman akong pera. Ayos na rin siguro iyon kasi natatakot din ako sa pwedeng maging resulta. Bukod din kasi sa kakaibang pangyayari na yan madalas ding sumakit ulo ko tsaka nangyayari din yung nawawalan ako ng "grip" nang biglaan. Isang segundo hawak ko phone ko, sunod, bigla na lang dudulas sa kamay ko. Mahirap lang kapag nagsusulat at saka kapag importante yung bagay tulad ng plato ng pagkain o yung kaldero.

Sa kabila niyan, nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos kasi binigyan niya ako ng malikot na utak. Naiisip ko minsan na baka bumabalik na yung alaala ko nang nakaraang buhay ko. Ang dami ko kasing alam na di ko alam kung saan ko nakuha.

Bumabalik na yung dating katauhan ng espiritu ko kaya bigla na lang iba yung pakiramdam ko sa mga bagay-bagay.

Haaay... Ang sarap mag-isip ng kalokohan. Sa sobrang sarap, naiisip ko nang huminto ulit sa pag-aaral.

Biro lang. Sa ibang entry ko ibabahagi kung bakit.

Ayon. Wala lang kasi akong ibang mapagsabihan na sa tingin ko hindi ako huhusgahan bilang isang hibang. Hahaha.

Miski kasi ako nahihiwagaan sa nangyayari sakin.

Biyernes, Setyembre 5, 2014

Dear Lola

Dear Lola,

Lumabas na po yung mga resulta ng midterms ko. Di po ako makapaniwala kasi ako yung highest sa lahat ng exams pero wag po kayo maproud masyado kasi kaya ganon, di po nag-aaral yung mga kaklase ko. Hahaha. Nataon lang pong walang magawa sa bahay kaya nakakapag-aral ako.

Iba lang rin po siguro talaga yung priority nila.

Sa tingin ko po may chance na ko mag-apply ng scholarship.

Kanina po late na naman ako sa klase. Bad timing po kasi galit yung prof namin. Hehe. Lima lang po kasi kaming pumasa sa midterms niya. May isa pang nag-absent. Di naman makausap nang matino.

Nangilabot po ako nung tinawag niya ko bigla. Akala ko po papagalitan na ko. Pero hindi. Pinabasa niya po sakin yung essay ko. Gumaan loob ko nung ngumiti na siya. Sabi po niya dapat daw ganon ang gawin.

71 po yung score ko. Kaya pala nginitian ako nung kaklase ko kasi over 80 lang. Ang husay ko daw po.

May reporting po kami next week. Pambawi daw sa mga bagsak. Groupings po iyon. May grupo po ako pero bago kami mag-uwian, tinawag niya ko. Binigyan niya po ako ng dagdag na gagawin. Ibinigay po niya sakin yung mahirap na part kasi yun daw po yung magsasummarize ng gagawin ng lahat ng grupo. Sabi po niya huwag na daw po ako mag-report sa grupo ko, bukod na daw po ako. Pero sa kalahatan po, tulungan ko pa rin daw yung groupmates ko.

Di ko alam kung anong saya yung naramdaman ko non. Natutuwa po ako kasi kahit paano tiwala sa akin yung prof ko. May bilib siya sa akin na kaya kong gawin yon. Tukso nga po sakin nung kaklase ko, sobrang taas na raw po ng grade ko.

Ito po sana yung gusto ko i-share kela mommy pag-uwi ko kaso nakalock yung pinto. Lumabas si daddy dala yung radyo niya. Kakakain lang.

Si daddy nga po pala bumukod na. Nasa bahay niya na po siya. Sa stockroom. Wais po talaga. Kuryente at tubig, nakakonekta pa din dito sa bahay. Sila kuya ang nagbabayad. Pumapasok po siya dito sa bahay kapag kakain at maliligo. Wala po kasing pagkain doon sa kanya pero may screen ang mga bintana di tulad dito sa bahay. Doon tabo lang, pero dito po may shower kaya ayon.

Nasa loob naman pala sila, kinandado pa yung pinto.

Pagpasok ko po, tulog na naman si mommy sa papag sa sala.

Di ko nga po alam kung bakit di ako masanay-sanay. Mahigit sampung taon na rin naman po silang ganito.

Pero ayon. Buti na lang po kayo laging handang makinig parang dati.

Salamat po.

Love,
Apo. 😄

Miyerkules, Agosto 20, 2014

Eto, oh! Nakabulatlat Na!

Sabi sa akin ng tatay-tatayan ko sa trabaho ko dati, malungkot daw akong tignan. Biro nga niya sakin kailangan ko na raw magkaroon ng boyfriend.

Di ko alam kung bakit ganoon yung naiisip tuwing merong isang tulad ko na pakalat-kalat sa paligid. Purkit ganon ang dating, iyon na ba agad ang kulang?

Pero sa lagay nung tatay-tatayan ko, biro lang talaga yon. Alam kasi niya na hindi ko gagawin yon. Sabi niya sa amin ng mga kasamahan ko, ako raw yung tipo na kahit saan mo ilagay, di papasok sa isang relasyon. Tiwala raw siya sa akin pagdating sa ganong bagay.

Sa totoo lang, masaya ako mag-isa o mas maganda sigurong sabihin na kuntento na kong mag-isa. Nakakapamili ako nang naka-push cart kahit chichirya lang ang bibilhin ko, inaabot ako nang siyam-siyam sa pagpili ng jeep na sasakyan kasi mapili ako sa itsura non, nakakalinga-linga ako sa paligid habang naglalakad at muli ay inaabot ako nang oras dito, nakakapulot ako ng istorya sa pagchika sa akin ng mga nasa mga mahahabang pila dahil di ako sumisingit, nakakakain ako nang madami kumpara sa normal, nakakapaglaro ako ng Battle Realms at DoTA kapag gusto ko, at nakakatulog ako sa sarili kong oras.

In short, selfish bitch ba. Kuntento na ako sa ganito.

Iniiwasan ko na rin siguro yung kung anong sasabihin kung sakaling may sumama sa akin sa mga kagagahan kong ito. Pinanghahawakan ko kasi yung, "Kung walang mabuting sasabihin, mabuti pang manahimik na lang."

Iwas na lang.

Tulad nung isang beses na may mga sumama sa akin sa pagpunta sa Eastwood via Ortigas. Malinaw naman ang sinabi ko na eksperimento lang yon kasi titignan ko kung ano yung mas malapit bilang di ko pa naman naranasan dumaan don. Sabi ko maghiwalay kami sa MRT, bababa akong Ortigas at tumuloy sila sa Cubao. Nagpumilit silang sumama sa akin.

Mayroon kaming mahabang lakaran. Uminit talaga ang ulo ko nang sisihin ako nang isa na dahil daw sa akin, masakit na mga paa niya.

Nahiya naman ako kay koya. Sorry naman sa katangahan mong magpumilit sumama sa akin. May nalalaman ka pang para safe ako. Koya, di kita kailangan. Never kita kinailangan.

Iyon talaga yung mga pagkakataong iniiwasan ko. Ayokong humantong sa biglaang transformation ko ang mga pangyayari. Sumpa man. Hindi talaga maganda.

Pero kung seryosong usapan... Siguro kaya ako ganito, proteksyon na din. Baka kasi kapag nalaman nang iba yung mga naiisip ko, masaktan lang ako.

Sawang-sawa na ko sa ganon.

Tulad ngayon. Kung anu-ano na naman tumatakbo sa isip ko.

Birthday ng kapatid ko ngayon pero hindi pa kami nakapagtanghalian. 17 years old na siya.

Kagabi ipinaalala ko sa kuya ko yung pambayad sa kalahati ng tuition ko na sabi naman niya last week na gawin ko. Pero nakasama pa kasi wala daw siyang pera kasi di pa daw siya sumusweldo. Ang masaklap pa, sa kanya din humihingi si mommy ng pang araw-araw namin. Sabi niya pinapatay na raw namin siya.

Ito yung tipo ng bagay na tumatakbo sa utak ko kapag nasa school ako. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na dapat may mapala ang kuya ko sa pagpapaaral niya sa akin.

Ayon. Kung gaano man kagulo 'tong post na ito, ganon din kagulo utak ko.

Sa lagay ng loob ko na yan, magdadagdag pa ba ako ng ingay mula sa labas?

Hindi na.

Kaya sa kaklase kong nagtanong kung bakit ang tahimik ko at di ako sumasama sa mga paglabas ng mga barkada sa klase, ito na siguro yung pinakamaayos na paliwanag na maibibigay ko sa ngayon.

Di kasi ako sanay na magliwaliw nang alam kong may isang bagay na hindi ayos. Ito rin ang dahilan siguro kung bakit nasasabi niyong matalino ako.

Hindi. Sadyang di lang kayo nag-aaral kasi hindi niyo prayoridad iyon.

Ginagawa ko lang yung sa tingin ko ay dapat at kahit paano makakatulong sa kuya ko.

Pero, oo, KJ din ako. 😉

Lunes, Agosto 18, 2014

Para Sa Iyo, Lola.

Dear lola,

Ngayon po ang unang araw ng midterms namin. Akala ko po di ko kakayanin kasi sabay sabay yung quiz 2, quiz 3, at midterm exam. Madaming Mondays din po kasi yung nawalan kami ng pasok kaya isang bagsakan po kanina.

Di naman kami makapagreklamo kasi college na rin. Okay na rin kasi parang paghahanda na rin sa mga rush projects kung sakaling nasa trabaho na kami.

2 hours po yung binigay para sa tatlong parts nung exam na yon. Awa po ng Diyos, nasagutan ko naman sa abot nang makakaya ko. Sinunod ko po yung sabi niyo sa amin noon, "Mag-aral lang nang mabuti, at humingi ng gabay parati."

Nalula po talaga ako sa exam. Ang hirap pa po kasi walang aircon o kahit bintilador man lang. Dalawang oras ding tumatagaktak pawis ko. Namaho nga po ako weh. Haha.

Chineckan din po namin yung papel pagkatapos. Namula na lang po talaga ako nung ibalik sa akin yung mga papel ko. 93 po yung quiz 2, 97 ang quiz 3, at 91 ang midterm.

Di lang po iyan. Highest pa po ako sa klase sa tatlong eksamen.

Nilapitan pa po ako nung prof para batiin. Di daw po niya akalain na may ganong mahusay sa subject niya sa course namin.

Nagmadali po ako umuwi para sabihin kela mommy kaso tulog siya pati na rin yung bunso kong kapatid kaya sa inyo ko na lang po sabihin. Tulad nang dati, alam ko lagi kayong handang makinig.

Nung Sabado nga po pala napuri din yung ginawa kong dagli. Marami mang dapat pang pag-igihin, naroon naman daw po yung potensyal.

Meron lang po akong di masagot na isang tanong, "Ano yung bagay na hindi ko kayang mawala?"

Hindi po ako makasagot kasi wala akong maisip. Tinanong po ako kung kaya ko raw bang makatagal nang isang araw na walang phone, syempre po. Wala naman na kong tinetext. May laruan daw po ba ako na di pa nabubuksan, meron naman, pero kaya ko naman na mawala yon.

Sabi po sa akin, mag-isip daw ako ng isang bagay na di ko kakayaning mawala sa akin at iyon ang gawin kong instrumento sa dagli ko sa susunod.

Anong bagay?

Wala po talaga akong maisip.

Wala na kong bagay na di kakayaning mawala kasi ikaw na po ang pinakaimportante sa akin.

At wala ka na...

Kung yung bagay na iniwan niyo sa akin... iyon na siguro ang edukasyon at ang iba pang leksyon...

Pero...

Di naman po ako nangamgambang mawaglit iyon dahil ang ibinigay niyo po sa akin ay isang bagay na wala kahit sino man ang makakaagaw. Ganon kayo kahusay. Ganon niyo ako kamahal.

Kaya kahit ano man ang makamit ko sa pagpapatuloy ko sa pag-aaral na ito, hinihiling ko sa mga anghel na dalhin nila lahat ng ito diyan sa langit bilang pagpapasalamat ko sa inyo at sa Diyos.

Kung magkukuwento po kayo diyan ng tungkol sa edukasyon niyo, huwag niyo pong sasabihin na hanggang grade 5 lang kayo. Kasi, sa bawat pag-angat ng antas ko, kasama ko po kayo.

Naunsyame man nang isa o dalawang taon ang pagtatapos natin, makakaasa rin po kayo na darating din tayo doon.

Miss na miss ko na po kayo, lola. Sana masaya kayo sa kung ano man ang naaabot ko ngayon.

Muli po ay salamat.

Mahal na mahal kita.


Love,
M.E.

Huwebes, Agosto 14, 2014

Patak sa Malaking Siwang

Malaki ang banta ngayon sa ating identidad bilang mga Pilipino. Noong nakaraang Sabado ay ibinalita sa amin na nagsimula na ang sibakan ng mga propesor ng Filipino sa ilang pribadong paaralan sa kolehiyo.

Sinabihan na rin kami na maaari nang mawala ang aming kurso. Iilan na lamang daw kami sa mga nalalabing magtataguyod ng Wikang Filipino sa hinaharap sa iba't ibang larang sa kabila ng banta na isalin sa wikang banyaga ang mga bernakular na katha upang makiayon sa pag-iiba ng sistema ng edukasyon.

Nangangamba ngayon ang mga propesor tulad ng sa akin na sila ay maiipit sa mga nag-uumpugang bato hinggil dito. Nariyan ang sabi na ang mga nagtuturong regular ay bibigyan ng prayoridad sa paglilipat sa sekondarya kung sakaling maganap na nga ang napipintong sibakan. Ang mga "part-timers" kung tawagin ay ang mga "casualties" bilang sila ay kung ituring ay salingkit lamang.

Kahit pa may ganitong plano ay di pa rin ubra dahil sa sekondarya raw ay may kwalipikasyon na dapat ay LET passer na ang karamihan sa mga propesor ay hindi, para pa rin tuloy silang mga gagambang nakabitin sa pabigay nang kisame ng sistema.

Ang k-12 daw ay sagot sa mababang lebel pagdating sa kumpitensyon ng mga Pilipino sa labas ng bansa. Kapag nangingibayo ay hindi matanggap-tanggap sa angkop na trabaho sa kurso dahil kulang sa taon ng edukasyon. Kaya ang ginawan ng solusyon ay ang bilang ng taon, hindi ang kalidad at prayoridad na makaranas ng edukasyon ang marami. Idagdag mo pa rito ang di pagtugon sa kakulangan ng mga guro, aklat, silid-aralan at maging sa mismong establisimyento ng paaralan; sa pagpapabuti sana sa mga ilalaang bilang ng maaayos na trabaho sa hinaharap - pinili nilang tahakin ang madaling daan.

Sa aking pananaw ang ginawa ay tila pag-retoke sa panlabas na anyo ng nabubukbok sa loob na edukasyon. Pinagaganda ito sa labas upang maging kaaya-aya sa paningin ng mga banyaga. Sa halip na kinisin ang detalye mula sa loob ay hahayaan nang manatili sa kalidad na "pwede na."

Sumisibol ang ganitong mga ideya dahil narito ako sa mababang antas ng lipunan. Lahat ng mga nasabi ko ay base lamang sa mga naririnig at nakikita. Limitado ang kaalaman, walang kakayahan na makapagsaliksik sa mas malalim na lupa na pinag-uugatan ng problemang ito. Ngunit isa lang ang natitiyak ko - narito ako sa lebel na nakikita ko ang nagaganap sa lipunang ginagalawan ko, malayo at di kabilang sa mga nasa itaas na hindi na makayuko pa dahil silaw na sa nagkikinangang gintong palawit na pamain sa kanila ng banyagang konsepto at idealismo. Sila, na sa kasamaang palad ay ang mga may hawak sa kalakaran ng bayang ito.

Sa huli, ano pa nga ba ang pwedeng gawin nang isang hamak na tulad ko kundi maghimutok nang maghimutok? Mga salita na lamang ang pinanghahawakan na sa huli ay walang mapapala dahil di rin naman pinaglalaanan ng panahon at pinakikinggan.

Luho nang ibulalas sa hangin ang lahat at umasang ito ay may kapupuntahan.

Miyerkules, Agosto 13, 2014

Pagtatakda

Simula ng klase, tinanong kami ng propesor namin kung bakit ang kursong iyon ang napili namin. Nakakatawa yung pakiusap niya. Kung ang sagot daw ay dahil wala nang bakante sa ibang kurso, wari daw ay magsinungaling na lamang.

Pagod na pagod na raw siyang marinig iyon dahil paulit-ulit na tinatarak ang kanyang puso mula pa noong siya ay magturo sa kolehiyo.

Umandar ang agos ng pagsagot mula sa pinakakanan. Dalawang silya bago ang akin, naririnig ko na ang pintig sa aking dibdib. Nanlalamig na rin ang aking mga kamay.

Takot. Iyan ang nadarama ko - takot na baka kutyain ako dahil sa aking sagot.

"Pinili ko po ito kasi naniniwala ako sa kapangyarihan ng mga salita. May karanasan po kasi ako nung highschool na napatunayan ko ito." pigil ang aking hininga pagkatapos sumagot.

Tumango nang isa ang propesor, "Okay. Next."

Nang marinig ko iyon, lumuwag ang aking dibdib at muli nang tumimtim ang pintig. Magkahalong gulat at ginhawa ang bumalot sa akin.

Totoong makapangyarihan ang mga salita. Maaari kang mag-angat at yumurak gamit ang mga ito.

Di ko batid noong may biyaya pala akong ganito. Sa di sinasadyang pagkakataon ay nakatapak ako ng mga tao - mga taong lubos na nagtiwala sa akin. Hindi naging sapat ang mga salita. Nilamon lamang ito ng bangis ng makapangyarihang leon na nabangga ko noon.

Simula sa puntong iyon, sabi ko sa sarili ko ay hindi na ako muli gagamit ng mga salita kung di rin lamang makakabuti.

Nawa pagkatapos ko sa kurso ko ay maibahagi ko ang biyayang ipinagkaloob sa akin. Wala mang kasiguraduhan ang aking patutungan, sinisiguro ko naman na tiyak ang aking bawat paghakbang.

Huwebes, Hulyo 3, 2014

Ahe!

(Alas-otso na pero kinikilig pa rin ako. Ahe.)

Grabe. Elementary na naman ako kanina.

Kanina nagpahuli na naman ako kahit alas-tres ang simula ng klase. Karaniwan na ito dahil ayoko talaga pumasok nang maaga. Ayoko rin naman kasi makipag-usap. Ahe.

Pagdating ko, wala pa ang propesor namin. Buti na lang at may isang upuan sa likod na walang katabi.

Mas gusto ko ang walang katabi. Sa kasamaang palad kasi walang aircon o kahit bintilador man lang ang kwarto namin. Lahat tuloy ng amoy ng katawan talagang lalabas lalo na at tatlong oras na deretso ang klase. Nung mga unang araw ko umuupo pa ako doon sa may katabi pero sa dalawang beses na may tumabi sakin, ang una ay may putok at ang sumunod ay amoy kulob. Napagdesisyunan ko na simula noon na di na baleng outcast basta may bentilasyon at walang amoy.

Pagpasok ko, nakita ko siya sa hilera na karaniwang inuupuan ko. Wala siyang katabi pero tulad nga ng sinabi ko, ayoko nang may katabi. Nadala na ako. Sa likod ako umupo. Ako lang mag-isa doon.

Kalagitnaan ng klase lumipat ang isa kong kaklase sa tabi niya. Sa tingin ko may pagtangi iyon sa kanya. Lagi kasi siyang kinakausap at inaasikaso. Lagi ding nilalapitan. Nung una ay kinausap lang siya noon. Pagtagal ay ipinaabot na niyon ang bag at pumirmi na iyon sa tabi niya.

Umihip ang hangin mula sa bintana at sa mga pamaypay na nagsasaliwan sa pagpagaspas (baka nalanghap niya ang di kanais-nais na amoy). Lumabas siya ng klasrum at pagbalik ay may dala nang maliit na bote ng Coca-Cola. Umupo siya sa upuan na malapit sakin.

Di nagtagal hinatak na niya iyon at lumapit sa akin. Lumipat na siya sa tabi ko. Ipinaabot niya ang bag niya at pumirmi na doon. Naiwan ang kaklase namin sa dati niyang pwesto.

Nang malapit na matapos ang klase, lumipat na naman ang isa naming kaklase malapit sa kanya. Doon ko napatunayan na may nalanghap nga siyang masamang hangin dahil marahang umusad siya nang mas malapit sakin habang nakatakip ng isang daliri ang ilong.

Ito ang mga panahon na masasabi kong "blessing in disguise" ang putok ng kaklase namin maging ang pagtangi nito sa kanya. Mas lumalapit iyon, mas lumalayo siya... lumalayo siya doon at papalapit sa akin. (Ermergerd...)

Ayon. Hahay... Ipinapanalangin ko na lang na sana maging sapat na siya para di ako lumiban sa paaralan na yon. (Di ko pa rin kasi talaga tanggap na nandoon ako. Huhu much.)

(Alas-diyes na pero kinikilig pa rin ako. Ahe.)

:">

Lunes, Hunyo 30, 2014

Pasintabi sa Mabubuting Tao

Hindi maganda ang gising ko nang umagang ito. Pakiramdam ko punong-puno ang ulo ko. Di naman ako puyat. Baka sadyang hindi lang ito isa sa mga araw na iyon.

Ngayon lang ako nakaramdam ng sobrang inis na umaabot na sa puntong gusto kong manakit. Ito yata yung sinasabi sa Anger Management, pelikula ni Adam Sandler, na taong bulkan. Kapag ay napuno ay parang bulkan sa pagsabog.

Maaga ako nagising. Narinig ko ang bunso kong kapatid na kaluskos nang kaluskos sa taas. Hinahanap daw niya ang kuting. Nang bumaba ako, naghanap na rin ako pero inihinto ko din kasi para sakin hindi talaga panghabang panahon ang mga pusa. Darating yung araw na aalis at aalis din sila.

Akala ko ito na yung araw na iyon para sa inampon naming kuting.

Nasa sala ako, umiiyak na ang aking kapatid dahil di niya iyon makita. Napabuntong hininga na lang ako. Pagtingin ko sa itaas ay nakita ko ang kuting sa may bintana, tulog.

Hindi ako natuwa. Sa totoo lang, wala akong naramdaman.

Maaga akong naghanda para sa pagpasok. 11 am ang klase ko at 9:30 pa lang nagbihis na ko.

Late ako dumating sa klase. Ito na ang unang nakapuno sakin...

Ang magaling kong guro sa english, nilapitan at kinausap ko nang maayos para sa homework na ipapasa ko, inirapan ba naman ako. Hindi. Ismid. Inismiran niya ko. Naalala ko nung unang meeting namin ayaw raw niyang may nagmemake face sa kanya. Paano ko magagawa iyon kung ganon ang pakikitungo niya sa amin?

Respect begets respect.

Kaya nga hindi ko inilalabas ang tunay kong nararamdaman minsan. Ayoko masaktan kaya hindi ako nananakit. Nananahimik lang ako.

Sumunod doon ay ang mali-mali niyang grammar. Hindi naman sa nagmamayabang pero may kaalaman din naman ako sa ingles. Alam ko kahit ang simpleng subject-verb agreement na hindi niya maitama sa pagdidiscuss niya. Ang lakas pa ng loob mamahiya ng estudyante kapag mali ito kapag nagrerecite.

Para talagang lumalangitngit na yero sa tenga ko ang ganong mga pagkakataon.

Bitch.

Pag-uwi ko, mainit. Sobrang init. Tagos sa payong ang init. Sobra pang maningil ng pamasahe si manong driver kahit sinita na siya ng ibang pasahero at higit sa lahat ay WALA SIYANG MATRIX.

Pagdating ko sa bahay, nagbihis ako. Sabi ko gagamit ako ng computer dahil may kailangan akong gawing project. Pabalang ba naman ako sinagot ng bunso kong kapatid. Doon ko na naisip lahat ng hambalos na pwede kong gawin sa kanya.

Pero...

Syempre di ko ginawa.

Hihintayin ko na lang siguro yung isang tao o bagay na talagang pwede kong madurog para mailabas ko lahat ng ito. (Insert evil laugh)

Hinde.

Siguro itutulog ko na lang ito. Masarap matulog kapag mainit. Araw lang ang masipag maninag. Nakakatamad gumawa ng kahit ano - kahit pa manakit ng tao. Hihi.

Sabado, Hunyo 28, 2014

Ulat... Wala sa Ulirat...

Maaga akong gumising kanina. 7:00 am ang pasok ko pero gumising na ko nang 4:30. May kailangan kasi akong madaliin na research at pagsulat. Nakaiskedyul kasi ako ngayon para sa pag-uulat.

Tulad ng nakasanayan dati, cramming ang drama. Ang tagal ko ding hindi ito nagawa. Sa totoo lang, natuwa ako.

Hindi na ko nakakain ng maayos na agahan. 6:45 am na nang makaalis ako. Todo ang pagmamadali ko kasi naalala ko na may pagsusulit nga pala kami.

Dumating ako sa klasrum wala pa ang propesor namin. 7:23 nito. Nagtext siya at ang sabi ay hintay lang daw kami at darating siya. Mahigit alas-otso na nang dumating siya.

Sa kaibuturan ng puso ko ipinagdadasal ko talaga na sana hindi na siya dumating pero naging maganda na rin iyon dahil nakaraos na.

Nagsimula na ang pag-uulat...

Sa kabutihang palad, nang ako ang tumayo sa harap ay lumabas ng room ang propesor. Salamat at ang mga kaklase ko ay parang mga daga nang lumabas na ang pusa. Sinimulan ko na ang ulat kahit ganon ang estado nila. Nawala ang kaba ko. Nang bumalik ang pusa, tumahimik ang mga daga at itinuon nang lahat ang atensyon sa akin. Bumalik din ang kaba.

Boses at ang pagtibok ng puso ko ang tanging naririnig ko. Hindi ko inaalis ang mga mata sa hawak na papel na lulan ang aking ulat. Bumilis ang aking pagbabasa at agaran ay natapos ko iyon.

Nang itaas ko ang aking ulo ay nagulat ako. Naroon siya sa may pintuan. Wala dapat siya doon dahil hindi ko naman siya kaklase. Nagkautal-utal ang aking pagsasalita. Nawala ang balangkas na nakatatak sa utak ko. Niliban ko ang tingin ko sa kanya at agad na tumingin sa iba.

Haaay... Boom. Boom. Boom!

Ganito pala ang pakiramdam nang bata ulit. Parang bumata ako nang labingtatlong taon. Bumalik ako sa pagiging grade 1 ko.

Kanina lang pala siya pumasok. Huli na siguro nang maayos ang iskedyul niya. Ayon... Kaklase ko siya sa tatlo kong subject.

Nakakatawa lang talaga. :)

Biyernes, Hunyo 27, 2014

Baliktanaw No. 2

Mas maikli na ang oras na iginugugol ko sa byahe ngayong wala na ko sa dati kong paaralan. Nakakaalis ako ng bahay tatlumpung minuto bago ang simula ng aking klase. Darating ako sa unibersidad nang maaga nang sampung minuto. Di hamak na mas komportable din ang pagbibiyahe. Tiyak na may masasakyan at laging nakaupo.

Malayong malayo ito sa nakasanayan ko noon. Dati kailangan kong umalis nang dalawang oras bago ang klase. Darating ako noon sa classroom nang limang minutong maaga o tama lang sa oras.

Kahit na ganito ang buhay ko noon, masaya naman ako kahit pagod.

Hinahanap-hanap ko ang gahigad na pag-aabang ng mga tao sa bawat tadyang ng kalsada. Naaalala ko din tuwing nag-uunahan ang mga tao sa pagsakay sa bus yung pelikula na Shaolin Soccer. Parang paano kaya kung tulad non ang pagsakay ng mga tao? (Kapag talaga madalas kang late, di ka na lang magsasayang ng energy para magmadali pa. Kung anu-ano na nakikita at naiisip.)

Namimiss ko din yung mga pagkakataon na nakikita ko yung iba't ibang klaseng mga tao. Kapag nakatayo ako sa bus, nandon yung may natutulog nang nakatayo, yung sumasabay sa kantang pinapatugtog niya sa portable audio device niya na hindi niya alam na malakas na ang boses niya at sintunado pa, yung aburidong mga babaeng akala mong sa kanila ang estribo kung ismiran ka kapag nabunggo mo sila, yung mga lalaki na pinagmamalasakitan ka pa na kahit nauna sa upuan ay tatayo para ikaw ang makaupo, at higit sa lahat yung mga kundoktor na natatawa kapag kinukuha ang pangalan ko sa id.

Sa pagbyahe ko rin sa bus naranasan matawag na "ine" o "neng" kahit eighteen, nineteen hanggang sa magtwenteen na ko. Kahit hipon akong maituturing, bata pa rin ang tingin sakin. Nandon din yung pamilyar na ko sa mga kundoktor sa tatlong liner ng bus na nasasakyan ko. Tuwing nakikita ako ay ngingitian na lang ako at hindi na ko tatanungin kung saan ang destinasyon. Awtomatiko na iyong ipupunch sa tiket ko.

Ibang klase din ang pakiramdam kapag dumating na ko sa klasrum. Sa dalawang kursong kinuha ko sa unibersidad na iyon, hindi ko naranasan na hindi batiin pagdating ko kahit late pa ko at nandon na ang propesor.

Pagkatapos ng klase ay kakain naman sa labas. Wala mang pangkain, tagapakinig naman ako at tagakwento rin paminsan. Kadalasan, tagatawa.

Minsan sa pagbyahe ko pauwi, may nakasabay ako na hindi ko kaano-ano pero nilibre niya ko ng pamasahe sa bus. Meron din yung inalok pa ko ng fries ng Jollibee. Naranasan ko na din kausapin ng random na tao lang. Di ko alam kung anong aura ang meron ako at hindi nila maramdaman na territorial ako pagdating sa personal space ko. Mababait naman sila kaya kabaitan na lang din talaga ang maitutugon mo. Nakakatuwa din kung tutuusin.

Sa byahe pauwi rin ako kadalasan nakakapagmuni-muni dahil pagdating ko sa terminal ay maghihintay pang punuin ang bus bago umarangkada. Paborito kong panahon ang tag-ulan. Lagi akong namamangha sa pagtambol ng mga patak sa bubungan ng bus at sa pahilig na pagdaloy ng tubig sa bintana.

Noong hindi pa kami lumipat ng bahay, ang sakayan ko ay malapit sa isang mall. Pagkatapos ng klase, deretso ako doon. Hindi naman ako namimili gawa nang sakto lang ang baon ko sa pamasahe pero sight seeing lang din talaga - pampalipas oras.

Kahit araw-arawin ko yon di ako nagsasawa kasi iba-iba ang nakikita.

Isang araw pwedeng sira ang escalator. Makikita mo ang inis ng mga taong pagtapat sa paanan noon ay sisinghal pa, ang patagilid na pag-akyat ng mga nakahigh (to the max) heels, ang mga kabataang fashionistang kung pumorma ay akala mong taga-Amerika kahit parang Africa ang init sa labas, naroon din yung mga guwardiya sa entrada na nagkukuwentuhan pa habang tinutusok ng stick nila ang bag mo. Pagpasok mo ng mall, makikita mo yung mga magsyota na hhwwpssp, ang magbabarkada na sobrang kulit at ang iingay, nandon ang mga bata na patakbo-takbo pa, at ang mga promo people na nakakalibang pagmasdan. Para silang robot na ipinograma na paulit-ulit ang sasabihin. Ang sakit siguro sa panga non. Isipin mo sa mahigit walong oras ng mall ay iyon lang ang gagawin mo at pilit pa. Mapalad na lang kung siya yung tipo na lahat ay ineenjoy na lang.

Nakakamiss din yung mga ganyan. Kahit mahirap ang buhay, kahit dumarating yung mga araw na ice cream lang sa ministop ang laman ng tiyan ko sa buong araw, nakakaginhawa pa rin yung saya.

Iyon siguro ang wala sa akin ngayon sa paglipat ko. Naiwan doon ang saya ko. Sasabihin ng iba, isang desisyon ang pagiging masaya pero para sakin mayroon talagang kinalalagakan ang puso ko. Yung mga lugar, tao, pagkakataon na masasabi kong at home ako - iyon ang nawala sa akin.

Sa kabilang banda, ito na rin siguro ang paraan ng Diyos para lawakan ang pananaw ko. Hindi sa lahat ng oras nasa ibabaw ka. Minsan lugmok ka na, kailangan mo pa rin gumapang sa putikan. Ayos na rin iyon dahil kung nasa pinakaibaba ka na, wala nang ibang daan kundi pataas. :)

Miyerkules, Hunyo 25, 2014

Pusa sa Puso

Noong nakaraang linggo, Miyerkules, habang ginagawa ko ang harang para sa bintana ko, may narinig akong pusang umaangil sa labas. Akala ko ay binubuska na naman ng "bulugan" (a.k.a. bully na pusa) ang alaga namin. Sumilip ako sa bintana at nakita ko ang isang puting pusa na inaangilan ng pusa namin. Hindi ito lumalaban. Sa halip ay nakatingin lang ito sa isa. Bakas sa itsura niya ang takot. Nanood lang ako dahil di ko naman alam ang gagawin. Dahil nga sa nanghihimasok ang puting pusa na ito sa teritoryo namin, natural lang naman na labanan siya ng alaga namin.

Di nagtagal, may pumasok ng bahay. Lumabas din naman siya agad. Tapos na ko sa ginagawa ko nito kaya naglalaro na lang ako sa computer. Bigla na lang akong may nakitang puti na gumagalaw. Tinayuan ako ng balahibo dahil sa gilid ng mata ko lang siya nakita. Nang lumingon ako, ang puting pusa pala.

Pinapasok siya ng kasama namin dito sa bahay. Akala daw niya ay panibagong alagain ni mommy. Nagkagayonman, kinupkop na rin namin siya.

Ilang araw pa lang siya dito sa amin pero sobrang lapit na niya sakin. Sa katunayan kagabi nung napagmalupitan siya ng kasama namin, naiyak talaga ako.

Nung una akala namin ay "engot" siya. Hindi namamansin. Hindi siya palangiyaw at madalas palakad-lakad lang. Tahimik. Palinga-linga rin. Kahit anong suwit namin, di man lamang siya tumingin. Kalaunan, nalaman naming hindi siya nakakarinig. Nagagawa niyang matulog sa harap ng computer kahit maingay ito. Minsan ay natutulog din siya sa may tv kahit malakas pa ito. Noong nilinis ko ang dumi niya, kahit kinaladkad ko na ang papag at ang mesa para maabot ang dapat kong linisin, nanatili pa rin siyang tulog. Nagigising lang siya kapag hinawakan siya.

May pagkakataon din na kapag tatalon siya ay mahuhulog siya kahit malapit lang ang distansya. Tila wala siyang balanse.

Ngumingiyaw naman siya pero ito ay sa tuwing humihingi lamang siya ng pagkain. Ngumingiyaw siya nang isa o dalawang beses pagkatapos noon ay wala na. Magpapaikot-ikot na lamang siya ng lakad sa mga binti namin. Alam na namin non kung ano ang kailangan niya.

Kadalasan ay blanko ang kanyang tingin. Parang laging nagtataka. Mas madalas rin siya lumibot kaysa maglaro di tulad ng ibang pusa. Para siyang laging may inaalam. Kung ano ang makapukaw sa kanyang atensyon ay tiyak na susundan o pupuntahan niya ito.

Dahil dito, higaan niya ang keyboard ng computer kapag may gumagamit. Ang katawan niya ay nakalatag sa mga letra pero ang ulo ay nakatutok sa monitor, sinusundan ng tingin ang cursor. Kapag pumirmi na iyon sa isang lugar ay saka niya ito dadambahan.

Ngayon lang ako ulit natuwa sa pusa pagkatapos mamatay ng una kong inalagaan na siyang larawan ng account na ito. Naaalala ko pa ang unang araw na nakita ko siya. Maulan noon nang dumating ako sa bahay namin. Paghinto ng tricycle sa tapat ay narinig ko na ang matinis na iyak ng isang kuting. Hinanap ko ang pinanggagalingan noon at nakita ko siya sa ilalim ng isa sa mga halaman namin. Dinampot ko siya at tinignan. Noon lang ako nakakita ng kuting na ganoon kaliit. Mas maliit pa siya sa palad ko at unting-unti pa lamang ang balahibo. Ibinaba ko siya dahil nagdalawang-isip ako kung kukunin ko ba siya. May kasama kasi kaming ayaw sa hayop. Ibinalik ko siya sa pinagkuhanan ko sa kanya at pumunta na sa gate namin. Narinig ko na naman ang pagngiyaw niya. Pagtingin ko ay naglalakad na siya papunta sa akin. Sabi ko sa sarili ko ay bahala na at saka ko siya binuhat at ipinasok sa bahay.

Isang taon din siya nagtagal sa amin bago siya nawala. Di ko alam kung anong nangyari sa kanya pero ilang araw rin yung hinang-hina siya at blanko na kapag tumitingin. Mabagal na rin ang galaw niya. Namatay siya sa araw na wala kami ng bunso kong kapatid sa bahay at naroon kami sa Maynila kasama ng mommy namin. 

Di naman siya katulad nitong bagong dating pero may isang bagay na mayroon sila. Nakuha nila ang loob ko sa angkin nilang naiibang katangian. Naiiba man sa ibang mga pusa, "weird" nga kung tawagin ng aking bunsong kapatid, iyon naman ang dahilan kung bakit sila naging espesyal sa puso ko.

Ito ang larawan niya sa unang araw niya sa amin. Di ko na siya binigyan ng pangalan dahil hindi naman niya ko naririnig (ahihihi) pero tinatawag siya ni mommy na Misty. (Ang taray!)


Biyernes, Hunyo 20, 2014

Bahala Na

Dalawang linggo pa lang ako sa nilipatan kong unibersidad pero iba na ang pakiramdam ko. Tuwing papasok ako, laging kinakaladkad ko ang mga paa ko. Tuwing uuwi naman ako pagkatapos ng klase, gusto kong umiyak.

Kapag naglalakad na ko papunta sa entrada ng paaralan ko, pakiramdam ko simula na ng bangungot ko. Humihiwalay ako sa katawan ko. Lumilipad sa hangin. Kung ano man yung parteng ako, wala na yon kapag umapak na ko sa silid-aralan.

Dalawang linggo, walong araw ang total, pagod na ko.

Sabi ko kanina kay Lord, kung ano man ang plano niya sana sabihin na niya sakin kasi suko na ko. Dinudurog ako sa bawat araw na inilalagi ko roon. Masama man sabihin pero hindi akma sakin ang sistema roon.

Ilang taon rin ang iginugol ko na pilit na tinutuwid ang mga pagkakamali ko. Ngayon lang ako nakaranas ng ganito na hinahayaan lang magkamali ang mga tao. Oo, maganda yon pero paminsan lang sana. Dapat rin ay may matututunan. Ang labas tuloy walang gabay at tuluyan lang namamaluktot ang di dapat bumaluktot.

Kahapon mayroon kaming pagsusulit. Iniwan kami ng propesor para sagutan ang mga iyon. Mayroon akong isang kaklase na may kakilala sa ibang klase na alam ang sagot sa bawat blanko. Ang ginawa niya, tinabihan niya ang mga kaklase namin at siya ang nagsagot ng mga pagsusulit.

Di ko alam kung iyon ba yung sinasabing diskarte. Oo, hindi sayang sa oras. Oo, hindi sila nahirapan. Ang sakin lang, hindi rin sila natuto. Kung diskarte man iyon, diskarteng baluktot. Paano na lang sila kapag nasa labas na ng akademiya? Mandaraya na lang rin ba sila? Paano sila uunlad? Paano tayo uunlad?

Ito na siguro yung hirap na nagbabadya sa akin noon. Lagi ang gusto ko ang tamang gawin. Ngayon, kapag hindi ka kasali sa marami, kahit ikaw ang tama, pilit kang imamali. Pagtutulungan ka pa.

Sa kabila ng kaalaman kong ito, wala akong ginawa.

Sana nga may sinabi ako o ginawa para matauhan sila. Ang problema ko lang ayoko magdulot ng lamat sa amin. Dalawa't kalahati pang taon ang pagsasamahan namin. Ang gusto ko lang kasi dumaan lang sa lugar na iyon.

Hindi maganda dahil namimili ako ng kasama o ng tao. Mas hindi naman maganda kung magpapanggap ako. Sa karanasan ko, mas masakit iyon.

Dalawang linggo, walong araw... pito lamang pala dahil holiday ang isa... Pagod na ko. Gusto ko na itigil ito.

Sabi ng mga kaibigan ko may plano daw ang Diyos para sa akin. Di ko alam. Tiwala lang daw...

Sige...

Bahala na. :)

Martes, Hunyo 17, 2014

Di Tunay na Kaibigan

Di ko alam kung saan at kailan ba pwedeng sabihin ang mga ito. Ulit, salamat at may blog. Di man sa mga taong dapat patunguhan ng mga salitang ito, ayos na yung basta may napagsabihan ako. NA hindi ako huhusgahan nang basta-basta dahil hindi naman ako kakilala.

Naisip ko hindi ako isang totoong kaibigan. Unang una sa lahat dahil tuwing lasing lang ako nagbabahagi ng kwento. Kadalasan, tagapakinig lang ako. Alam ko madaming may gusto ng ganoong kaibigan at batid kong masaya rin naman ang mga kaibigan ko na kaibigan nila ako dahil sinasabi nila sakin yon pero... ayoko nung pakiramdam na sa tuwing kasama ko sila, awtomatikong tumitikom at mga labi ko at tenga na lamang ang gumagana.

Ikalawa, ito nga. Hindi ko magawang magpakatotoo sa kanila.

Tulad nila, gusto ko rin magkwento. Gusto ko rin magpatawa. Gusto ko rin ibulalas ang mga pinagdadaanan ko. Ang problema hindi ko nararamdaman na palagay ang loob kong ilabas ang mga iyan sa kanila.

Siguro ang gusto ko yung parang kapatid na ang turing. May oras na nagkakabalahuraan na sa sobrang palagay sa isa't isa. Alam ko sensitibo kaming mga babae pero gusto ko yung may bukas rin siyang utak. Sa takbo nito, malamang sa malamang, isa lang yung magiging kabigkis ko talaga. Ayos lang naman iyon kung yun naman talaga yung kahihinatnan namin.

Gusto ko na kapag may kanya-kanya na kaming iniibig, pagkukuwentuhan namin lahat ng pwedeng pagkuwentuhan. Masasabihan ko siya ng tanga habang humahagulgol siya sa harap ko kapag may kagagahan siyang nagawa, maitutulak ko siya kapag abot molars na ang kilig na nararamdaman ko, maaaway ko siya kapag kinuha niya o naubos niya ang mga pampaganda ko, at hahatakin ko siya kapag gusto kong gumala at wala akong kasama. Syempre, ganon din siya dapat sakin.

Kaya...

Sa tingin ko sa ngayon hindi ako totoong kaibigan sa mga kaibigan ko. Oo, napapagsabihan nila ako ng mga problema nila, nabibigyan ko sila ng payo, pero parang hindi ako nagiging isang mas mabuting tao.

Sila man yung nakilala ko noong high school, hindi pa siguro sila yung halos kadikit na ng bituka kong kaibigan.

AT...



Isa pa pala...




Gusto ko sana kasing tangkad ko rin yung future sister/kadikit ng bituka ko. Hoho.

Miyerkules, Hunyo 11, 2014

Ginintuang Pagkakataon

"Text mo ko kapag nandon ka na. Nandon naman ako. Nagpapamedical."

Alas kwatro nang dumating ako sa pagkikitaan namin ng kuya ko kahapon. Kinuha ko muna yung kailangan ko sa opisina saka ako nakipagkita sa kanya. Pagtingin ko sa cellphone ko sabi niya nakita na daw niya ko. Di ko naman alam kung saang banda niya ako nakita.

Agad akong pumunta sa ospital at nagtext sa kanya na nandon ako. Matagal siyang di sumagot. Luminga-linga ako sa paligid. Isang beses na paglingon ko, nakita ko na siya. Nanggaling siya sa gusali na pinanggalingan ko.

Papalapit na siya, nakangiti. Noon ko lang siya nakita nang ganoon na papalapit sakin sa lugar na iyon. Naaalala ko kasi dati tuwing papalapit na siya sakin, nakasimangot. Nandon yung pakiramdam na sana mawala na lang ako. Di ko naman siya masisisi dahil tuwing nagkikita kami noon, nag-aabot siya ng pera. Kung hindi baon, matrikula.

Iba kahapon.

Kahit magkikita lang kami para bigyan niya ko ng pera para sa gamot ni mommy at pamasahe ko pauwi, nakangiti siya papalapit sakin. Inisip ko baka may nangyaring maganda bago ako dumating.

Inabutan niya ko ng apat na raan. Tinanong ko siya kung magkano ang kay mommy doon. Sabi niya tatlong daan daw. Sabi ko sa kanya akala ni mommy pang-isang buwan ang ibibigay niya. Di ko na siya hinintay sumagot. Sabi ko aalis na ko kasi may katatagpuin pa ko. Pinigilan niya ko at sabi niya magwiwithdraw daw siya.

Papunta kami sa atm. Sabay kami maglakad, magkatabi. Noong huling sabay kami maglakad, pinalayo niya ko. Ayaw daw niyang makita siyang kasama ako. Ayon. Kaya malaking bagay yung nangyari kahapon. Pakiramdam ko na, sa wakas, tanggap ako.

Pagkatapos namin magwithdraw, binigyan pa niya ako ng ekstrang pera para pangkain sa labas. Bago kami maghiwalay, ikinuwento niya pa sakin yung mga nangyari sa kanya sa medical niya. Ang dami daw tests na pinasagutan sa kanya tapos naroon pa yung kailangan niyang tumakbo para maabutan ang accounting department sa kabilang gusali.

Nakakatuwa kasi yun na yung huling pagkakataon na pupunta ako sa lugar na iyon tapos ganon pa yung nangyari. Ang sarap sa pakiramdam.

Sa lahat nang nangyari dati, ito siguro yung masasabi kong ipinagpapasalamat ko. Kahit konting magandang nangyari lang, sobra na ang halaga sakin kasi alam ko yung pakiramdam kapag wala nung "konti" na iyon.

Ayon. Kaya kung sino man makakabasa nito, pahalagahan mo lahat ng magandang nangyari, nangyayari at mangyayari sayo. Yung di kagandahan, kapulutan mo ng aral. :)

Sa Gitna ng Bawat Segundo

Pauwi kami ng bunso kong kapatid mula sa pamilihan nang mangyari ito. Ang inakala kong tipikal na byahe pauwi ay mag-iiwan pala ng isang bagay na liligid ligid sa utak ko.

Halos puno na ang jeep na nasakyan namin. Naunang sumakay ang kapatid ko at sa kaliwa siya pumwesto malapit sa tsuper. Nang kinuha ko ang pamasahe namin, napansin ko ang matandang lalaking katabi niya. Inaamin ko medyo nailang ako sa kanya. Sa katunayan ay inilayo ko ang aking kapatid.

Hindi ko siya lubos matanaw dahil natatakpan siya ng aking kasama. Muli ko lang siyang tinignan nang magtanong siya sa drayber, "Saan ba ako bababa?"

Tinanaw ko siya. Marumi ang kanyang pananamit, di ahit ang balbas ngunit maamo ang mukha at malamlam ang mga mata. Nakaramdam ako ng kurot sa puso ko matapos ko siyang suriin. Nagkatinginan na lang kami ng kapatid ko.

Tinanong ng drayber kung saan daw yung sinabing pagbababaan sa kanya ng kasama niyang nagsakay sa kanya. Sagot ng matanda ay sa Tabang-Plaridel. Mayroon pa silang pinag-usapan pero di ko na narinig dahil maingay ang mga sasakyang nagdadaanan.

Di nagtagal itinabi ng drayber ang jeep at sinabi sa matanda na doon na siya bumaba. Di ko alam ang pinag-usapan nila pero pagbaba ng matanda ay sinabi ng drayber na isinakay ito mula pa sa Marilao. Sabi ng isang pasahero baka daw binigyan lang ng pamasahe at pinabayaan na.

Yun din ang iniisip namin ng kapatid ko.

Kung makikita mo lang ang itsura ng matanda, maaawa ka din talaga. Para siyang batang inosenteng susunod sa kahit ano mang sabihin mo. Sabi ng kapatid ko parang pusa daw na iniligaw. Natatandaan ko sa pagbaba ng matanda, di niya alam ang nangyayari sa kanya dahil nakangiti pa siya. Maliit ang mga hakbang kaya't natitigan ko ang kanyang mukha. Kung pwede lang sana sasamahan ko siya't tutulungan. Kahit man lang dalin sa barangay o sa kahit anong awtoridad na mas malaki ang tsansang matulungan siya.

Sa kabutihang palad, may dalawang lalaki naman na umalalay sa matanda pagbaba nito. Sana nagawa nila siyang tulungan.

***

Sa totoo lang naalala ko ang tatay ko sa matanda. Siguro medyo naawa rin ako sa tatay ko. Naisip ko kasi baka sobra din ang nagawa ng matanda sa mga malalapit sa kanya kaya't humantong sa ganon.

Di ko naman magagawa sa tatay ko yon kahit di ko na talaga kayang mapalapit ulit sa kanya tulad nang dati. 

Nakakalungkot lang kasi talaga palang may mga taong sumusuko sa ganong paraan. Nababasa ko lang dati at napapanuod ang mga ganitong pangyayari. Di ko akalain na masasaksihan ko ito nang harapan...

Kahit ano man ang dahilan o istorya sa likod ng nangyari, sana ayos lang ang matanda.

***

Wala pang limang minuto lahat ng ito pero malaki ang epekto sakin at alam kong habambuhay ko dadalin ano man ang natutuhan ko dito.

Twenteen

Dalawampung taon na ko pero para pa rin akong bata. Bukas naman ako sa mga diskusyon tungkol sa mga seryosong bagay tulad ng pakikipagrelasyon at sex pero hindi ko makita ang sarili ko na mag-uudyok ng ganong diskusyon.

Kagabi sabi ng mga kaibigan ko sakin maghahanda daw sila kapag nagkaroon na ko ng boyfriend. Hindi pa ko nagkakaroon ng boyfriend pero nainlove na ko minsan. Ilang taon ko rin siya pinanghawakan kahit isang taon lang tumagal yung "MU" namin. Pitong taon rin ang lumipas na sapat na siya sakin.

Ngayon, pinakawalan ko na siya. Di ko alam kung bakit pero nawala na lang bigla yung nararamdaman ko para sa kanya. Siguro kung magkita kami hindi na ko matatakot o magtatago ngunit tatratuhin ko na lang siya na parang isang kakilala sa nakaraan.

Yun ang ikinakaba ko.

Minsan kasi nag-usap kami. Sa panahong iyon may nararamdaman pa rin ako para sa kanya pero pinili kong maging 'sing lamig ng yelo. Ang sabi niya sakin parang wala daw kaming nakaraan kung umasta ako. Nasaktan din ako noon pero sa tingin ko yun ang dapat na gawin ko.

Ngayon, wala na siya... o siguro... wala na ako. Ang dating ako.

Ito na siguro yung pagod o sawa. Kapag may sumisilip na pagkakataon para sa romantikong mga bagay, mapapabuntong hininga ka na lang sabay sabi ng "na naman." Agad mong lalagyan ng tiyak ng katapusan kahit di pa man din nagsisimula.

Mayroon naman na muntik nang pumalit sa kanya pero hindi talaga ako handa pa. Hindi rin siya siguro ang talagang para sakin... o hindi lang iyon para sa akin.

Pakiramdam ko di ko na kaya makipagbolahan o kung ano pa mang ginagawa para magkaroon ng isang masayang pakikipagrelasyon sa isang tao. Para akong nahinog sa pilit pagkatapos ko pagdaanan ang ilang mga bagay na bumago talaga sakin.

Alam ko na hindi ako pwede sa patweetums na relasyon kasi parang sayang sa oras. Hindi sapat ang pagsasabi ng "mahal kita" o "I love you" para masigurado akong mahal ko ang o mahal ako ng isang tao. Alam ko kasi na lahat ng iyon lilipas din kaya huwag na lang.

Sabi ng isang minsan kong nakatrabaho, ang bata bata ko pa daw pero ganito na ko mag-isip. Dapat daw enjoy-in ko.

Sinusubukan ko naman pero wala talaga.

Tuloy kagabi nung sinabi ng mga kaibigan ko iyon, imposible na yata ako magkaroon ng 36" na pizza at unlimited drinks. Iyon talaga ang nakakalungkot.

Naghahanap naman ako pero... di yata. (Haha.) Tinanggap ko na rin kasi na tatanda ako mag-isa. Sabi ng mommy ko malungkot daw iyon. Siguro kung mag-isang mag-isa malungkot talaga pero gusto ko kasi puro kaibigan lang tapos lilibutin ko ang buong mundo.

Ang gusto ko kasi maituloy ko yung ginagawa ko noong elementary ako. Gusto kong tumulong sa mga batang mahihirap, magbigay ng scholarship, bigyan sila ng pagkakataon na maging bata, maglaro, mag-aral, mamasyal - basta mamuhay na parang bata.

Gusto ko rin tumulong sa kalikasan. Gusto ko lahukan lahat ng tree-planting projects na maeencounter ko. Gusto ko rin maging choir member ng isang maliit na parokya.

Gusto ko makapagpagawa ako ng sarili kong bahay na magsasabing akong ako talaga ang nakatira doon.

Siguro kung merong isang lalaking handang lunukin ang pride niya para sakin (alam ko kung kailan yung tunay at kung kailan yung para lang sa motibo), samahan at sabayan ako sa mga trip ko, unawain ako, yun na siguro ang panahon na bibigyan ko ng pagkakataon yung kahibangan na yan.

Pero...

Sa ngayon, kapag may nakatipo na sakin nang kaunti at manligaw, alam na...

Reunion 1/2

Ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang magkita kami ng isa sa tatlo kong mga matatalik na kaibigan, mahigit isang taon doon sa isa, at mahigit apat na taon sa isa pa - sina Katrina, Lara, at Jane.

Kagabi nagkaroon kami ng pagkakataon na magkita-kita muling tatlo. Di nakasama si Lara dahil may kailangan siyang gawing importante. Noong una ay medyo naiilang pa ako sa kay Jane. Sa apat na taon na kasing iyon, madalang pa sa full moon kung mag-usap kami. Malaki kasi ang pagbabago sa kanya sa pisikal na aspeto, kinabahan ako baka gayon din sa iba. Di ko alam kung paanong banat ng gagawin para maging tulad kami nang dati.

Pagkatapos namin magkita-kita sa plaza sa may Cubao, nagpahinga lang kami sandali at pumunta na sa malapit na kainan. Nakakatuwa kasi di rin pala gaanong nagbago si Jane. 'Sing liit pa rin ng kamao ko ang sikmura niya. Di pa nangangalahati ang burrito na binili niya, di na raw niya kaya. Kung sakin ang burrito na iyon, kulang pa.

Mahaba-habang kwentuhan ang nangyari. Maingay kung sa maingay. Parang mga lorong hindi mapakali. Di malaman kung sino ang mauunang magsalita kaya minsan ay nagkakasabay-sabay na nang buka ng bibig. Sa huli ay magtatawanan at bahala na kung saan mapunta ang kwentuhan.

Nag-aya si Jane sa Cubao Expo. Gusto daw niyang makapunta dahil nakikita raw niya sa mga litrato ang lugar na iyon na magandang puntahan kaya bago umuwi ay tumungo kami doon. Nag-aya rin siya uminom nang makakita kami ng magandang pwesto.

Kinagabihan bago kami magkita-kita, sinabi na sakin ni Katrina na may pinagdadaanan daw si Jane. Komplikado kaya mas maganda raw na personal kong malaman mula kay Jane.

Di ko masabi kung tagumpay ngang nailabas ni Jane lahat o hindi talaga siya komportable na ibahagi ang kwento niya pero sa nakita ko kagabi, malalim-lalim ang pinanggagalingan ng bawat salita at hirit niya.

Nakadalawang baso kami. 
Tumapon ang lahat.
Kulang ang gabi.
Sobra ang salita.

Hanggang sa susunod na lang... :)

Lunes, Hunyo 9, 2014

Resume of Classes

Kanina ko lang naramdaman ang ganong saya nang sumakay ako ng jeep. Sa tinatagal-tagal ko na ginagawa iyon dati, nakasanayan ko na at napagwalang-bahala.

"Bayad po. Isang estudyante."

***

Ngayon ang unang araw ko sa pagbabalik-eskwela. Iba ang kaba kahit kaninang paggising ko pa lang sa umaga. May kabog sa dibdib. Hindi ako sigurado kung anong mangyayari sakin kaya sa bawat hakbang ko pasulong, dalawang hakbang paurong.

Ala-sais ako nag-alarm pero 6:45 na ko bumangon. Alas-nwebe ang klase ko. Dapat ay maliligo na ko pero naunahan ako ng kapatid ko. Mahigit ala-siyete na nang ako ang sumalang sa paliguan.

Sampung minuto bago mag-alas-nwebe, dumating na ko sa aking unibersidad. Nalula ako sa dami ng tao. Sa loob ng anim na buwan, nasa loob lang ako ng bahay, tanging ang computer lang ang bintana ko sa aking kapaligiran. Nakakapanibago.

Hindi ko alam kung saan ang kwarto ng aking klase kaya diretso ako sa dean's office. Buti na lang at mabait si ateng napagtanungan ko. Agad akong itinuro sa dapat kong puntahan.

Pagdating ko sa klasrum, tumahimik ang lahat. Lahat ng mata ay bumaling sakin. Nasa ikalawang taon na kasi sila. Ako, bagong salta. Ako lang ang iba ang bihis. Lahat sila ay nakauniporme na.

Umupo ako sa may harapan, malapit sa mga taong inaakala kong madaling makipagkaibigan. Di ako nabigo. Agad nila akong kinausap, di pa man din ako nakakaupo. Naglahong bigla ang kaba ko.

Lumipas ang ilang minuto, hindi lumitaw ang propesor ko. May patakaran daw na kapag wala pa sa ganong oras ang magtuturo ay maaari nang umalis. Siyang gawa naman namin.

Sumunod kong klase, isang oras ang pagitan mula sa sinundan, tumambay na ko sa harap ng klasrum para doon. Dumating ang alas-onse at di pa rin dumarating ang propesor. Gustong-gusto na lumakad palayo ng mga paa ko pero malakas ang pakiramdam ko na darating siya.

Di ako nagkamali, nagpakita siya.

Pinay na pinay si ma'am. Di ko na sasabihin kung bakit pero malayong malayo siya sa mga naging propesor ko sa pinanggalingan kong unibersidad. Di man ganon kalakas ang datingan, masaya naman.

Siguro... Yun yung hindi ko pwedeng makuha ang lahat. Sa pinanggalingan kong unibersidad, naroon ang kalidad ng pagtuturo. Hindi magaan pero tiyak naman na may matututuhan. Mayroong may kasungitan, tiyak naman ang kaalaman. Ang paraan na tama naman para sa pangkolehiyong paaralan.

Dito sa nilipatan kong unibersidad, nandon yung magaan na atmospera na nakakaengganyo mag-aral. Hindi ka gagawa ng mga gawain dahil hindi lang kailangan, dahil din ay may kagustuhan. Iyon nga lang, medyo nasasakripisyo ang kalidad na pagtuturo.

Sa lagay ko, ayos lang sakin ang ganito. Parang sapatos na sakto ang sukat sa unang subok pa lang. Mas komportable ako sa metodolohiyang makapagpapayaman sa karakter ko kaysa sa nilalaman ng utak ko. Naniniwala kasi ako na mawala man ang kaalaman ko, kung buo naman ang pundasyon ng pagkatao ko, maibabalik at maibabalik ko rin iyon. Mas tiyak rin na uunlad ako kapag nakatapos na ko at mas handa nang sumuong sa tunay na mundo.

Siguro ito talaga ang plano para sakin. Hindi man ako sang-ayon dahil gusto ko talagang manatili sa pinanggalingan ko, mas maganda namang direksyon ang gusto ng Diyos para sakin.

Bilang unang araw, hindi siya ganon kasaya na mapapatalon ang puso ko sa tuwa pero nandon yung tamang emosyon lang para masigurado ako na lahat ay magiging maayos. Nawala ang lahat ng nararamdaman kong pag-aalinlangan. Sa tingin ko handa na ko para sa mga susunod pang araw.

Tiwala lang. :)

Linggo, Mayo 18, 2014

Birthday Gift

Noong 18th birthday ko, iyon yung taon kung kailan naibenta yung bahay namin, humiling ako sa tatay ko ng isang bagay. Nung una sabi niya, bandang May din ito, na pupunta daw kami sa Laguna para mag-outing. Isama ko daw yung mga kaibigan ko. Tuwang-tuwa ako nito. Bilang noon nga lang yung tsansa para magsaya kami, sobrang saya ko talaga kasi kahit paano naisip niya akong paglaanan ng konti sa biyaya na dumating.

Lumipas ang mga araw at buwan, Setyembre, lumiit ang pera sabi niya magswimming na lang daw kami sa private pool malapit sa amin. Pumayag naman ako.

Disyembre, sabi ko bigyan na lang ako ng isang regalo na gusto ko. Pumayag siya. Hindi na ko humingi kahit anong handa kaya daing na Tilapia ang agahan namin at tanghalian, pizza na iniuwi ng kuya ko ang hapunan.

Tinanong niya ko noon kung kailan ko daw gusto makuha ang regalo, kung yung Disyembre ba na yon o sa Marso. Siya din ang namili sa huli. Sa Marso na lang daw.

Dumating ang Marso. Hinintay kong ibigay niya iyon pero wala. Ipinaalala ko sa kanya, walang nangyari. Ubos na daw ang pera. Pangmatrikula daw namin ang natitira.

Hunyo, installment ang bayad sa tuition.

Hulyo, si kuya na ang nagbibigay ng baon.

Agosto, si kuya na rin ang nagbibigay ng pambili ng pagkain sa bahay.

Lumipas ang ilang buwan, nahinto na ko sa pag-aaral.

Naglahong parang bula ang biyaya. Di rin naman niya sinasagot kung saan napunta iyon. Tinanong pa namin pero alam naman namin ang sagot. Nakita namin ang sagot. Siguro gusto lang namin akuin niya ang nagawa niya pero wala.

Ayos lang naging masaya naman siya nang ilang gabi. Naging bida sa mga kaibigan. Pero nang wala na siyang mailabas, pati sila nawala na rin.

Sa sobrang galit ko, nangumpisal ako.

Tuwing naaalala ko ang panahon na yon, naiisip ko na siguro natatawa yung pari sa kabila ng kumpisalan. Humahagulgol ako para sa regalong ipinangako na hindi naibigay sa akin.

Lahat ng iyon gumaan matapos sabihin sakin ng pari ito...

"Malay mo ikaw ang nakatakda na magbigay non sa sarili mo. Pagsumikapan mo. Sa paraang yon hindi masasayang ang hinihiling mo kasi alam mo ang halaga noon, aalagaan mo nang mabuti."

Noon ko napagtanto na hindi ko dapat iasa sa iba ang mga gusto ko sa buhay. Mahirap man hanapin, may paraan pa rin para maging maganda ang nangyaring iyon. Sariling sipag at tiyaga lang. Makukuha ko din yon. :)

Sabado, Mayo 10, 2014

Dahil sa Tag-init

Kahapon nagpaalam na ko kay mommy na pagkagraduate ko bubukod na ko. Tinanong niya ko kung kailan at bakit. Sabi ko pagkagraduate nitong college, sabi ko susubok ako mag-aral sa ibang bansa. Di ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya pero nag-oo lang siya.

Sa totoo lang kung pwedeng ngayon na, aalis na ko. Pagod na kasi ako sa araw-araw na nangyayari samin. Nakakasawa nang makita sila na hindi kumikilos. Na parang naghihintay na lang ng kamatayan.

Masama nga siguro ako para mawalan ng paki sa lagay ni mommy. Nitong huling tatlong araw, madalas siyang nakahilata sa sala. May pagkadrama queen din kasi siya. Gusto laging may atensyon. Napulot kakapanuod ng serye sa hapon. Hindi na niya nagagawa yung mga dapat gawin.

Alam ko may problema din ako.

(Nakakatuwa kasi pwedeng maging honest dito...)

Hindi pa rin ako nakakaadjust sa nilipatan naming bahay. Hindi ako makapagbasa, hindi ako makapag-aral, hindi ako makapag-isip. Siguro sasabihin ng iba na nasasakin na tiisin 'to at gumawa ng paraan para makaalis dito.

Sana ganon lang kadali iyon.

Ngayon kasi bumabalik lahat ng sana na nangyari. Sana hindi na lang nabenta yung bahay kasi nung nabenta yon, nawaldas lang sa wala yung pera kaya mas masahol pa ang lagay namin ngayon. Ibang-iba na lahat. Masakit pa kasi ang daming sinabi ni daddy na ibibigay niya at gagawin na sana hindi ko na lang narinig at pinakinggan. Sobrang sakit umasa sa wala.

Hindi halos matirhan yung bahay na nalipatan namin pero wala kaming ibang pagpipilian kasi wala na kaming pera talaga at ito lang ang libre. Kailangan magtiis.

Sira ang lababo namin. Wala kaming pampagawa. Sa banyo, kung saan kami naliligo, kami naghuhugas ng kasangkapan, sinaing, at nagtutoothbrush.

Doon din kami sa banyo na yon nagsasabon ng labahin at sa kabilang bahay nagbabanlaw.

Isa lang yan sa detalye ng buong larawan.

Minsan sinubukan kong magbanlaw ng damit, hindi ko napigilan ang sarili kong mainis. Kinausap ako ni mommy, nasagot ko siya. Hindi na niya ko pinagbanlaw ulit.

Minsan sinubukan kong maghugas ng pinggan, hindi ako pumayag na galawin nila ang mga kasangkapang hinugasan ko hanggat di pa ko natatapos, tatlong oras mula noon bago kami nakakain.

Yung huling hugas ko, kumuha si mommy ng malaking mangkok, sabi ko papatayin ko si daddy. Hindi na niya ko pinaghugas ulit.

Siguro nga may problema na ko na medyo malala, pero alam ko naman ang sagot.

Kailangan ko umalis.

Mahirap lang gawin yon kasi yung bunso namin masyadong dependent. Nung nagtrabaho ako, naroon yung lumayo nang sobra ang loob samin kung anu-ano pinaggagawa. Hindi sanay mahirapan kaya tumatakas sa kahit anong paraang pwede. Matapang magpakapariwara pero ni hindi makapagbanyo mag-isa kahit nasa bahay. Hindi makatulog nang walang ilaw. Hindi makakain nang mag-isa sa kainan.

Di ako makapaniwalang totoo pala yung ganong karakter. Gaga kung gaga. Paano mo naman iiwan ang ganon?

Maiwan lang mag-isa, mag-self destruct na.

Ewan. Di ko na alam ang gagawin. Pero... nawawalan na rin ako ng concern sa kanila. Yun sana yung gusto kong isalba kaya gusto kong umalis. Ayokong dumating yung araw na bumulagta sa sahig si mommy o kahit sino man sa pamilya, at sabihin kong ayos lang yon kasi nasa mas maganda na siyang lugar.

***

17 years and counting... Ang tagal na rin pala. Ang tagal na simula nung mag-resign si daddy sa trabaho at sa pagiging ama namin. Sana nawala na lang siya noon kesa pinepesta niya kami hanggang ngayon. Sabi kasi ni mommy siya daw ang itinalaga ng Diyos para unawain si daddy. Halata naman kasi natakot din si daddy nung inatake si mommy. Di kayang mag-isa ni daddy. Kung ganon, sana hindi na Siya nandamay. Silang dalawa na lang sana.

Alam din kasi ni daddy na kapag nawala si mommy, malamang sa malamang, walang mag-aalaga sa kanya. Kung ako lang, kapag nawala si mommy para akong ibong lilipad papunta sa pinakamalayong lugar na kaya kong liparin.

Ewan ko lang yung iba kong kapatid.

Baka meron pa ring gaalikabok na puwang sa puso nila para kay daddy sa kabila ng lahat ng ginawa niya.

***

Lalo akong humahanga sa kuya ko at kinakaya niya lahat ng 'to.

Mahirap pala kapag biglang nag-iba ang ikot ng mundo.

Nahihirapan ako kasi inaasam ko talaga yung alaga ng magulang pero ngayon, sila yung umaaktong ganon. Ang immature pero ang unfair para sakin.

Wala ka namang magawa kasi merong hibla na saksakan ng tibay na kahit kailan hindi masisira. Kahit anong direksyon umikot ang mundo, pamilya ko pa rin sila. Magulang ko pa rin sila.

Ayon. Haaay...

Martes, Mayo 6, 2014

Blessing in Disguise

Kahapon nakaalis na si kuya nang magising ako. Nagulat ako kasi kagagaling lang niya sa byahe mula Bicol para sa trabaho. Madaling araw daw siya dumating at umalis din ng umagang yon. Isang oras lang halos ang tulog niya. Ang siste hindi pa siya nag eroplano kaya matapos ang mahabang byahe sa bus, dumeretso siya sa trabaho.

Habang nananghalian kami kinausap ko ang nakababata kong kapatid. Sabi ko hangga't maaari huwag muna tanungin si kuya tungkol sa pera. Namroroblema kasi si bunso kung paano ang pang tuition niya. Panahon na rin kasi ng enrolment niya.

Ang mali ko di ko nakausap si mommy.

Kinagabihan, dumating si kuya. Tinawag niya kami ni bunso. Tulog si bunso kaya ako na lang ang lumabas mula sa kwarto. Pagdating ko sa may kainan, naghihimutok na siya.

Siguro kung hindi ko naranasan yung mga naranasan ko noong nakaraang taon maiinis din ako. Pero dahil nga sa meron akong karanasan, naiintindihan ko siya.

Pag uwi niya pala kasi hiningan siya agad ni mommy ng pambili ng ulam. Tapos habang nasa Bicol siya, isang beses lang daw siya tinext para lang itanong kung may pera siya para sa tuition. Sinong pagod na pagod nga naman ang hindi mag-iinit ang ulo doon?

Sabi niya habang nag-aayos ng sarili na pagkatapos daw namin mag-aral ni bunso aalis na siya. Pagod na pagod na daw siya. Gusto na raw niya mamatay. Ni hindi man lang daw siya kinumusta o tinanong kung anong nangyari sa lakad niya.

Naiintindihan ko. Mahirap. Masakit.

Di ko alam kung anong dapat kong sabihin kaya sabi ko na lang hindi pwede yon at humanap na siya ng girlfriend para gumaan ang buhay niya. Natawa siya at sabi niya nakakastress lang daw lalo yon.

Sabi ko sa kanya nakita ko na si Jacopo. Iyon kasi yung topic noon na medyo na-off siya nung nanunuod kami ng Anger Management tapos di ko alam si Jacopo. Sabi ko ganon naman yata talaga yon. Walang kwenta. Pero... Ulit, natawa siya.

Sa papag lang siya sa sala natutulog. De-tupi yung kawayang papag kaya nung medyo maayos na siya (sa tingin ko), iniwan ko na siya para ayusin ang tutulugan niya.

Inilatag ko iyon, pinatungan ng banig, at ikinabit ang kulambo. Buti at napilit ko siya magkulambo kasi malamok dito samin. Ayaw niya magkulambo kasi "claustropogi" daw siya. Kaya noong mga nakakaraang gabi na natutulog siya doon, nagtitiis lang siya habang nilalamok.

Pagkagising niya kanina, wala na yung kuya kong lugmong-lugmo kagabi.

Makulit na ulit.

Siya pa nagbigay ng pera at nagpabili ng ulam na lechong kawali.

***
Iyon yung isa sa mga panahong naaalala ko yung dinanas ko noong nagtrabaho last year. Kahit pagod ka na, ayaw mo na, di mo na kaya, wala kang magagawa kundi magpatuloy kasi kailangan. Para kang gatasang baka kung hingan ng pera.

Uuwi ka para hingan ng pambili ng ganito, pambili ng ganyan, pambayad ng ganito, pambayad ng ganyan. Hindi man lang kinukumusta.

Wala akong naipon sa sweldo ko kahit nakita ko sa payslip kung gaano kalaki ang nabigay sakin ng kompanya para sa sweldo. Humina nang husto ang katawan ko kaya kung nung una si mommy lang ang nag gagamot, pag-alis ko ng trabaho, dalawa na kami. Nakakapanlumo. 

Nang nalaman ko na ang pakiramdam nang ganon, naintindihan ko na si kuya tuwing sasama ang loob niya kahit sa maliit na bagay lang. Lalo na kung kauuwi lang niya galing sa trabaho.

Siguro yun lang ang hindi maiintindihan ni mommy at hindi pa naiintindihan ni bunso. Simula kasi noon housewife na si mommy. Hindi siya nakaranas ng trabaho. Si bunso naman sanay din sa sarap noong hindi pa nagkaleche-leche lahat. Ang alam lang kasi nila nahihirapan din sila kasi wala silang magawa kaya tinatanggap na lang ang maaanghang na salitang binibitawan ni kuya sa panahong tulad nito.

Mapalad na rin siguro ako kasi iba ang pakiramdam kapag nagagawa mong pagdugtungin yung dalawang dulo. 

Parang patunay lang na lahat may dahilan. 

Ikaw ang nakakapag-ugnay sa dalawa para maging isa. :)

Linggo, Mayo 4, 2014

Wala Akong Maisip na Magandang Title

Kahit nagluluksa ako sa nagbabadyang paglipat ko ng eskwelahan, natuwa lang ako kanina sa proctor namin sa exam. Base sa natatandaan ko hindi naman siya nagpakilala. Pero nakakatuwa talaga siya. Pero baka nga nagpakilala siya pero wala talaga don ang utak ko.

Anyway, bading kasi siya. Nakakatuwa lang kasi ang ganda ng boses kahit bading. Ito yata yung feeling ng may crush. Pero hindi eh. Pero baka nga. Ewan.

Ganito kasi yan. Pakiramdam ko pangarap ko maging bading. Ang hirap kasi maging babae - yung limitadong capacity sa physical strength, yung buwanang dalaw na kung tulad kong malas, bumababa nang mas mababa pa sa mababa ang resistensya (thrice na kaya ako naospital dahil diyan), isama mo pa yung lugar mo sa society at lalong-lalo na sa trabaho - para kang ipinanganak nang may sumpa. Swerte talaga kung pinagkalooban ng ganda o kaya ng utak na sintalas ng matalas. Pero kung nandon ka sa average na lebel, aynako, good luck na lang.

Di ko nga malaman sa mga bading kung bakit nagpapakababae. Ako, gusto ko maging bading.

Ang mga bading kasi may common denominator. Iba yung atake nila sa buhay. Parang ang perpekto nung paghahalo ng pisikal na pagkalalaki at yung pusong babae. Kapag may bading sa paligid parang ang gaan ng pakiramdam. Kahit simpleng linya nagiging pasabog. Iba yung dating nila. Iba yung utak. Basta. Iba.

Deserve nilang pangatawanan ang sinasabing "third sex."

Masaya pa sa bading, sila yung magpupuno sa puwang na naiiwan ng kaibigan mong mga babae at lalaki. Kung sa babae kasi nandiyan yung drama, yung pakikay, basta lahat ng kaartehan sa buhay. Kung sa lalaki naman nandiyan yung pang-ekonomiyang benepisyo (stressed ito kasi so far galante ang mga naencounter ko), yung proteksyon, yung alaga, basta lahat ng tungkol sa security. Ang bading, sila ang nagpupuno sa gray areas. Kapag sobrang madrama na ang babae, sila ang babanat at mag-aalis na kadramahan sa buhay. Kapag sobrang close na ang lalaki, sila ang sanctuary kung saan pwede kang magpaintimate nang hindi lumalagpas sa linya ng pagkakaibigan (if you know what I mean).

Mahirap kasi kapag nagkalabo-labo na. MU talaga as in misunderstanding ang nagaganap on both sides kaya bading to the rescue.

Hmmm... Di man lahat ng bading, pero siguro swerte lang talaga ako kasi yung mga naging kaibigan kong mga bading goody good good talaga (tanggapin natin na meron ding mas bitchesa pa sa babaeng bitchesa).

Isa pang plus sakin ng mga bading, di sila ate at kuya roles. Para silang 2-in-1 na magulang, parehong nanay at tatay. Ganon ang level ang pag-iisip nila at aruga.

Isa lang siguro yung hinihiling kong kontrolin nila o hangga't maaari iwasan. Yung sa lalaki. Nasasaktan din kasi ako kapag nalulungkot sila nang dahil sa lalaki. Si Vice Ganda yata ang nagsabi pero iba talaga kapag bading ang nagmahal. Iba talaga. Todo-bigay. Daig pa si Booba. Pag napa-ibig di lang masustansya, masustansyang masustansya - to the point na lahat ibibigay nila.

Di ko alam kung isa pa yon sa common denominator nila pero sana hindi.

Siguro nga kapag ang love triangle babae-lalaki-bading, talo man ang bading, once naman na marealize niya na ayos pa rin ang buhay kahit wala yung lalaking hindi siya pinahahalahagahan, kayang kaya naman ikembot all the way ang life eh. Lalo na kung may pamilya pa siya - nanay, tatay, mga kapatid o kung may anak man - sapat na dahilan na yon para makakembot siya all the way pataas.

Ayon. Ang dami ko nang nasabi dahil lang sa bading ang proctor ko kanina at nakakatuwa siya.

De. May friend lang talaga ako na gusto ko nang ihampas ang ulo sa pader na may nakausling pako. Ayaw kasi gumising samantalang harap-harapan nang inaayawan. Pinipilit pa...

Nakakalimutan niya tuloy kung gaano siya kagandang butterfly. Di niya alam o ayaw niyang pansinin kung gaano ko siya hinahangaan kasi sobrang bait at sobrang nakakatawa na sobrang sarap niyang kasama at maging sistah from anothah mothah.

Wake up, sistah.

Spread your wings, beautiful butterfly. :)

Dear Universe

Dear Universe,

Hindi ko alam kung ano ang plano mo sakin. Sabi ni Paulo Coelho magcoconspire ka daw para mangyari ang dapat mangyari. Di ko lang alam kung totoo bang lahat ng nangyayari, nakatala na sa mga bituin mo.

Kanina nag-exam ako para sa lilipatan kong university.

Ayoko doon. Ayoko lumipat.

Alam kong alam mo na papasa ako. Kita naman sa mga tanong. Nagkataon pa na kahit hindi ako nag-aral yung mga nasa utak ko, yun lang yung nandon. Lalo tuloy akong nawalan ng lakas para magduda na may loob ka.

Di kami maaga umalis ng mommy ko ng bahay kasi sabi ng kapatid ko ayos lang daw na late. Nakalagay naman doon sa form. Pero kahit 6:45 na kami umalis ng bahay, bumili pa si mommy ng gamot, nag-traffic pa sa daan, dumating pa rin ako ng 7:25 am doon sa university.

Akala ko mahihirapan kami hanapin ang building na pagkukuhanan ko ng exam pero di pa kami nagtatanong, itinuro na.

Universe, nag-cr pa kami ni mommy para lang mahuli ako pero wala. Maaga pa rin nung pinaakyat ako ni mommy para pumunta sa room.

15 minutes pa bago magsimula yung exam. Hindi na ko nagliwaliw. Umupo lang ako sa loob nung classroom. Nagmasid...

Blackboard pa yung gamit nila. May kalumaan na. Walang aircon, yung mga bintana metal na de-bukas (bahay-kubo style), yung mga upuan tulad ng upuan sa kainan ng bahay ni Kuya Kim - iba-iba pero ang pinagkaiba, pa-goodbye na, na mayroon pang sari-saring sulat.

Ang pareho lang sa classroom na yon at sa classroom sa future former university ko ay yung mga ilaw.

Habang nag-eeksamen lumilipad ang utak ko. Kung anu-ano na naiisip ko.

Nung sinabi sakin na aalis na ko sa pinapangarap kong university, umisip ako ng mga pros tulad ng sinasabi ng iba na look at the brighter side. Hindi ko na kailangan makipagkumpitensya sa bus, hindi na ako babahain sa tag-ulan, kakain ako sa bahay na lang, at higit sa lahat hindi na mangyayaring mas mahaba ang oras ng byahe ko kaysa sa pag-tengga ko sa classroom. Mas higit sa higit sa lahat, di na ko mahihirapan at magiging sakitin.

Pilit kong kinumbinse ang sarili ko na ayos lang na lumipat. Na mas maganda kung lilipat. Pero... pero... haaay... Ano bang binatbat ng hamak na ako na parang plankton lang kumpara sa laki mo, Universe?

Ano nga ba naman ako? Sino nga ba naman ako?

Pagkatapos ko mag-exam, naiiyak na lang talaga ako. Pinigil ko lang kasi nandon si mommy, na hindi naman niya kasalanan kung bakit nagkaganito kami pero sinisisi ang sarili, at magbibiyahe pa kami pauwi.

Sa huling beses na pupunta ako sa dream university ko, yun ay para kunin na lang ang records ko. Naaalala ko pa nung nagpasa ako ng form para sa leave of absence. Salamat at naimbento ang shades. Nagbyahe kami ni mommy sa jeep at sa bus, umaagos ang luha ko. Waterfalls kung waterfalls.

Sabi ko nga sa kuya ko ayoko muna bumalik mag-aral kasi umaasa pa rin ako na baka magawan ko ng paraan yung future former university ko. Kaso... Sabi niya mas madali akong makakatulong kung makakapagtapos na ko. Di bale na kahit saan manggaling ang diploma basta't meron.

Tama naman siya. Iba na ang may pinanghahawakan.

Naiiyak talaga ako. (Siyet!)

Noong pagpasok ko kasi sa future former university ko, sinubaybayan ko na yung mga gumagraduate doon. Yung mga photoshopped na itsura nila sa graduation picture, yung babuyan ng damit sa baccalaureate mass, at yung inspiring words ng mag-administer ng graduation rites. Higit sa lahat yung pride na nakapagtapos ka sa ganong lugar at nakasurvive ka sa sandamukal na hirap ng pagiging isang nilalang doon.

Ayon. Mawawala na lahat yon. Iisantabi ko na lang. Itatago sa baul, ipapadlock, tatalian, babalutin ng brown bag, ng lona, saka ibabaon sa lupa o kaya itatapon sa deep ocean. Wala na.

Ang dami ko pang sinasabi pero isa lang talaga ang paulit-ulit na sinisigaw ng taong maliit sa loob ko... Ayokong lumipat. Gusto kong panghawakan ang pag-asa na baka magawan pa ng paraan pero sa lagay namin ngayon, imposible na talaga. Tipong Divine Intervention ang tanging magpapaliwanag sa madilim naming kinasasadlakan.

Paano pa magkakaroon ng Divine Intervention kung ang destiny ko nga ay lumipat?

Haaay... Ramdam na ramdam kong Pilipino ako. Mahirap maging Pilipino sa Pilipinas na pinamamahalaan ng mga mala-Universe ang asta. (Segue lang. Commercial. Kainis kasi. Ang helpless.)

Pero, Universe, sabi naman ng iba wala sa pinanggalingan kung magiging ganap na ikaw yung gusto mo maging ikaw. Nasa tao din yan. (Kaso iba sa Pilipinas. Survival of the fittest talaga.)

Basta tulungan mo na lang ako sa pasikut-sikot sa enrolment ha. Alam mo naman ang pasensya ko. 'Wag mong hayaan na makasakit ako sa isip, sa salita, at sa gawa. (Dun ako kinakabahan eh.)

Sisikapin kong maging hanggang dito na lang 'tong pag-aalburuto ko. For my own and others' good na din. (Haha.)

Kung may maliligaw man na makakabasa nito na katulad ko ang pinagdadaanan o basta may pinagdadaanan, fight lang tayo.

"Smooth seas don't make good sailors." At ang pinakamagandang diyamante ay yung maraming prosesong pinagdaanan. At ang dakilang cliche na "There's always a rainbow after the rain."

Haaay... Universe, ano bang gagawin ko sayo?


Nagmamahal,

Ako. :)

Sabado, Mayo 3, 2014

Baliktanaw No. 1

Simula nang matigil ako mag-aral, nagkaroon ako ng panahon para makapag-isip, maiayos ang lahat. Noong nag-aaral pa kasi ako, pilit akong humihingi ng panahon para makapaglaan ng oras sa sarili ko.

Nakakasakal din pala kasi yung tuloy-tuloy lang. Pakiramdam ko noon, hindi ako handa sa mga bagay-bagay na nangyayari kaya tuloy hindi ko magawa nang tama ang mga iyon.

Dati akong nilalang na sinasabing naglalakad sa numero. Mahirap maging totoo lalo na kung para kang puppet na nakatali. Kailangan gawin mo 'to, gawin mo 'yan, di pwede 'to, di pwede 'yan. May imahe ng iba na kailangang pangalagaan.

Sabi ng iba dapat daw 'wag hayaan na ibang tao ang magdikta kung anong gagawin mo. Sana noon alam ko na yon. Pero mahirap kasi pangatawanan yon lalo na kung nag-aasam ka din ng pagtanggap mula sa pamilya mo.

Hanggang sa ito nga, ako na talaga yung parang pinakawalan sa koral. Halu-halo ang emosyon. Di ko malaman ang gagawin. Ngayon lang kasi nagkaroon ng tsansa para hanapin yung tunay na pagkatao ko. Sa panahong lahat mabibilis na, pakiramdam ko napag-iwanan ako. Magkagayon man, di ko naman pinagsisisihan ang panahong inilaan ko para sa sarili ko.

Wala na kasi ibang makakakilala sa iyo kundi ang sarili mo.

Kaya noong pinilit kong sundin ang puso ko, binitawan man ako, masaya ako. Oo, mahirap. Pero nakukuha naman sa dasal at sa determinasyon.

Pagkatapos nito, siguro kahit anong gawin ng iba, kahit anong sabihin nila kahit na maging ang pamilya ko, di na ko matitinag. Hawak ko na yung sarili kong pangalan. Ako na ako.

Palubog na Araw

Apat na taon na mula noong atakihin sa puso ang mommy ko. Hindi ko talaga maisip kung anong gagawin namin noon kung sakaling nawala siya. Masyadong maaga, masyadong biglaan.

Maliit pa ang kapatid ko noon. Hanggang ngayon naaalala ko pa ang panik niya nung tinawag niya ko para tignan kung anong nangyari kay mommy habang nakaupo siya.

Ngayon, bumabalik sa akin lahat ng mga nangyari noon dahil dalawang araw nang hindi maayos ang pakiramdam ni mommy. Binalaan naman kami ng doktor noon na kung hindi mag-iingat si mommy, malaki ang posibilidad na mangyari nga ulit iyon.

Ewan ko ba pero ang hirap naman yata i-maintain yung diet na binibigay sa kanya sa ospital noon. Kung hindi naman sa may nabanggit si mommy na malaking pangalan, hindi naman siya tatanggapin doon. Hindi siya makakakain ng sukat at de-kalidad na pagkain kundi sa mahiwagang pangalan na iyon.

Pagkalabas niya ng ospital, sinubukan kong bumili ng gatas na pinapainom sa kanya sa ospital. Literal na napanganga ako nung sinagot ako nung tinanong ko kung magkano ang presyo. 700 pesos ang lata at 400 yung kahon. Saan naman kami pupulot ng ganon?

Dito, sa karanasan na ito, ko naranasan na gawin ang lahat para sa taong mahal mo. Kahit kahati ko ang mommy ko sa baon ko sa eskwela, wala akong pakielam. Nakakainggit man na makita kong nagpaparty ang mga kaibigan ko, kumikickback tuwing enrolment, o gumagala - mas pipiliin ko nang mawalan ng social life kaysa sa nanay.

Mahirap kasi hindi naman ako sanay sa ganito. Nagkasunod-sunod lang talaga yung mga trahedya samin.

Maginhawa ang buhay noong kasama pa namin si lola. Sabi kasi ni lola samin hindi daw niya hahayaan mangyari saming mga apo niya yung nangyari sa kanya noon. Hindi kasi siya nakatapos.

Ipinasok kami sa mga pribadong paaralan. Pinalaki sa luho. Lumaki kaming may sinasandigan.

Hanggang sa isang araw nawala na lang si lola. Inatake sa puso.

Kahit wala na siya, iniwan niya ang tindahan niya kayla mommy pero hindi naman napatakbo nang maiigi kaya nagsara din tapos inatake din si mommy.

Iyon na ang panahon na para akong pinihit hanggang sa masagad. Biglaan. Kung pagbulusok paibaba ang usapan, iyon na yon.

Nakakalungkot lang kasi naiwan sa ere si daddy. Di ko alam kung di lang niya matanggap na ganon na ang kalagayan namin o meron siyang pinanghahawakan na hindi ko alam ang ibang tawag o termino ngunit kayabangan.

Tatlo man kaming magkakapatid na magtulong-tulong, hindi pa rin kaya.

Apat na taon, heto na naman. Nagbabadya.

Kung ano man ang mangyari, sana maging handa kami. Pero sana...

Sana...

Maging maayos lahat.