Mas maikli na ang oras na iginugugol ko sa byahe ngayong wala na ko sa dati kong paaralan. Nakakaalis ako ng bahay tatlumpung minuto bago ang simula ng aking klase. Darating ako sa unibersidad nang maaga nang sampung minuto. Di hamak na mas komportable din ang pagbibiyahe. Tiyak na may masasakyan at laging nakaupo.
Malayong malayo ito sa nakasanayan ko noon. Dati kailangan kong umalis nang dalawang oras bago ang klase. Darating ako noon sa classroom nang limang minutong maaga o tama lang sa oras.
Kahit na ganito ang buhay ko noon, masaya naman ako kahit pagod.
Hinahanap-hanap ko ang gahigad na pag-aabang ng mga tao sa bawat tadyang ng kalsada. Naaalala ko din tuwing nag-uunahan ang mga tao sa pagsakay sa bus yung pelikula na Shaolin Soccer. Parang paano kaya kung tulad non ang pagsakay ng mga tao? (Kapag talaga madalas kang late, di ka na lang magsasayang ng energy para magmadali pa. Kung anu-ano na nakikita at naiisip.)
Namimiss ko din yung mga pagkakataon na nakikita ko yung iba't ibang klaseng mga tao. Kapag nakatayo ako sa bus, nandon yung may natutulog nang nakatayo, yung sumasabay sa kantang pinapatugtog niya sa portable audio device niya na hindi niya alam na malakas na ang boses niya at sintunado pa, yung aburidong mga babaeng akala mong sa kanila ang estribo kung ismiran ka kapag nabunggo mo sila, yung mga lalaki na pinagmamalasakitan ka pa na kahit nauna sa upuan ay tatayo para ikaw ang makaupo, at higit sa lahat yung mga kundoktor na natatawa kapag kinukuha ang pangalan ko sa id.
Sa pagbyahe ko rin sa bus naranasan matawag na "ine" o "neng" kahit eighteen, nineteen hanggang sa magtwenteen na ko. Kahit hipon akong maituturing, bata pa rin ang tingin sakin. Nandon din yung pamilyar na ko sa mga kundoktor sa tatlong liner ng bus na nasasakyan ko. Tuwing nakikita ako ay ngingitian na lang ako at hindi na ko tatanungin kung saan ang destinasyon. Awtomatiko na iyong ipupunch sa tiket ko.
Ibang klase din ang pakiramdam kapag dumating na ko sa klasrum. Sa dalawang kursong kinuha ko sa unibersidad na iyon, hindi ko naranasan na hindi batiin pagdating ko kahit late pa ko at nandon na ang propesor.
Pagkatapos ng klase ay kakain naman sa labas. Wala mang pangkain, tagapakinig naman ako at tagakwento rin paminsan. Kadalasan, tagatawa.
Minsan sa pagbyahe ko pauwi, may nakasabay ako na hindi ko kaano-ano pero nilibre niya ko ng pamasahe sa bus. Meron din yung inalok pa ko ng fries ng Jollibee. Naranasan ko na din kausapin ng random na tao lang. Di ko alam kung anong aura ang meron ako at hindi nila maramdaman na territorial ako pagdating sa personal space ko. Mababait naman sila kaya kabaitan na lang din talaga ang maitutugon mo. Nakakatuwa din kung tutuusin.
Sa byahe pauwi rin ako kadalasan nakakapagmuni-muni dahil pagdating ko sa terminal ay maghihintay pang punuin ang bus bago umarangkada. Paborito kong panahon ang tag-ulan. Lagi akong namamangha sa pagtambol ng mga patak sa bubungan ng bus at sa pahilig na pagdaloy ng tubig sa bintana.
Noong hindi pa kami lumipat ng bahay, ang sakayan ko ay malapit sa isang mall. Pagkatapos ng klase, deretso ako doon. Hindi naman ako namimili gawa nang sakto lang ang baon ko sa pamasahe pero sight seeing lang din talaga - pampalipas oras.
Kahit araw-arawin ko yon di ako nagsasawa kasi iba-iba ang nakikita.
Isang araw pwedeng sira ang escalator. Makikita mo ang inis ng mga taong pagtapat sa paanan noon ay sisinghal pa, ang patagilid na pag-akyat ng mga nakahigh (to the max) heels, ang mga kabataang fashionistang kung pumorma ay akala mong taga-Amerika kahit parang Africa ang init sa labas, naroon din yung mga guwardiya sa entrada na nagkukuwentuhan pa habang tinutusok ng stick nila ang bag mo. Pagpasok mo ng mall, makikita mo yung mga magsyota na hhwwpssp, ang magbabarkada na sobrang kulit at ang iingay, nandon ang mga bata na patakbo-takbo pa, at ang mga promo people na nakakalibang pagmasdan. Para silang robot na ipinograma na paulit-ulit ang sasabihin. Ang sakit siguro sa panga non. Isipin mo sa mahigit walong oras ng mall ay iyon lang ang gagawin mo at pilit pa. Mapalad na lang kung siya yung tipo na lahat ay ineenjoy na lang.
Nakakamiss din yung mga ganyan. Kahit mahirap ang buhay, kahit dumarating yung mga araw na ice cream lang sa ministop ang laman ng tiyan ko sa buong araw, nakakaginhawa pa rin yung saya.
Iyon siguro ang wala sa akin ngayon sa paglipat ko. Naiwan doon ang saya ko. Sasabihin ng iba, isang desisyon ang pagiging masaya pero para sakin mayroon talagang kinalalagakan ang puso ko. Yung mga lugar, tao, pagkakataon na masasabi kong at home ako - iyon ang nawala sa akin.
Sa kabilang banda, ito na rin siguro ang paraan ng Diyos para lawakan ang pananaw ko. Hindi sa lahat ng oras nasa ibabaw ka. Minsan lugmok ka na, kailangan mo pa rin gumapang sa putikan. Ayos na rin iyon dahil kung nasa pinakaibaba ka na, wala nang ibang daan kundi pataas. :)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento