Miyerkules, Hunyo 11, 2014

Reunion 1/2

Ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang magkita kami ng isa sa tatlo kong mga matatalik na kaibigan, mahigit isang taon doon sa isa, at mahigit apat na taon sa isa pa - sina Katrina, Lara, at Jane.

Kagabi nagkaroon kami ng pagkakataon na magkita-kita muling tatlo. Di nakasama si Lara dahil may kailangan siyang gawing importante. Noong una ay medyo naiilang pa ako sa kay Jane. Sa apat na taon na kasing iyon, madalang pa sa full moon kung mag-usap kami. Malaki kasi ang pagbabago sa kanya sa pisikal na aspeto, kinabahan ako baka gayon din sa iba. Di ko alam kung paanong banat ng gagawin para maging tulad kami nang dati.

Pagkatapos namin magkita-kita sa plaza sa may Cubao, nagpahinga lang kami sandali at pumunta na sa malapit na kainan. Nakakatuwa kasi di rin pala gaanong nagbago si Jane. 'Sing liit pa rin ng kamao ko ang sikmura niya. Di pa nangangalahati ang burrito na binili niya, di na raw niya kaya. Kung sakin ang burrito na iyon, kulang pa.

Mahaba-habang kwentuhan ang nangyari. Maingay kung sa maingay. Parang mga lorong hindi mapakali. Di malaman kung sino ang mauunang magsalita kaya minsan ay nagkakasabay-sabay na nang buka ng bibig. Sa huli ay magtatawanan at bahala na kung saan mapunta ang kwentuhan.

Nag-aya si Jane sa Cubao Expo. Gusto daw niyang makapunta dahil nakikita raw niya sa mga litrato ang lugar na iyon na magandang puntahan kaya bago umuwi ay tumungo kami doon. Nag-aya rin siya uminom nang makakita kami ng magandang pwesto.

Kinagabihan bago kami magkita-kita, sinabi na sakin ni Katrina na may pinagdadaanan daw si Jane. Komplikado kaya mas maganda raw na personal kong malaman mula kay Jane.

Di ko masabi kung tagumpay ngang nailabas ni Jane lahat o hindi talaga siya komportable na ibahagi ang kwento niya pero sa nakita ko kagabi, malalim-lalim ang pinanggagalingan ng bawat salita at hirit niya.

Nakadalawang baso kami. 
Tumapon ang lahat.
Kulang ang gabi.
Sobra ang salita.

Hanggang sa susunod na lang... :)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento