Dito ko sasabihin lahat ng karanasan kong nakapagpapadalawang isip sakin tungkol sa pagpapatuloy ko ng pag-aaral.
Noong nakaraang linggo pumunta ako doon para sa petsa ng assessment para sa irregular students. Nakita ko yung kaklase ko sa isang subject. Sabi niya sakin after lunch pa daw maibibigay yung grades ng irregular students sa kolehiyo namin. Mag-aalas dose pa lang nito.
Bago kami umalis ng building, nakita ko pa yung pangalan kong nakapaskil sa bulletin board ng dean's office. Ang sabi doon wala pa akong naisusumite na honorary dismissal at certificate of grades mula sa dati kong unibersidad. Kumulo ang dugo ko nito kasi bumalik bigla sakin yung alaala ko nung binigyan nila ako ng deadline noong Hunyo para makuha iyan. Mahirap kumuha ng official files sa unibersidad. Matagal ang binibigay na palugit bago makuha iyon. Idagdag mo pa yung maulan na panahon noon.
Nakakapanlumo rin ang bumalik doon. Sa dalawang araw na iprinoseso ko yung pag-alis ko, dalawang araw din akong nagkulong sa cubicle sa banyo doon para lang umiyak.
Buti sumama sa akin ang nanay ko. Hulog talaga siya ng langit. Nagboluntaryo siyang sumama kasi ililibre ko raw siya ng Mcdo. Natuwa talaga ako nung sinabi niya yon. Paalis pa lang kasi ako ng bahay, masama na pakiramdam ko sa pagpunta ko sa unibersidad ko ngayon.
Pumunta kami sa Mcdo bilang palipas oras. Nawala talaga yung inis ko nung tinanong ko ang nanay ko kung anong gusto niya. Walang kaabog-abog na sinabi niyang chicken burger. Parang ilang araw na rin niyang hinahanap-hanap.
Labinlimang minuto bago mag-ala una bumalik na kami. Hinintay ko lang nang kaunti yung kasamahan ko. Nung pumasok na kami sa opisina, balikan daw namin nang alas dos. Naghintay na naman kami.
Nung nakuha ko na yung grades ko pumunta naman ako sa dean's office para sa evaluation. Siningil ako ng 450 pesos para raw sa mga aktibidades ng kolehiyo sabay sabing hindi daw doon ang evaluation ko kundi sa faculty.
Pumunta ako sa faculty at hinanap ang may-ari ng pangalan na ibinigay sa akin. Natagpuan ko naman siya agad. Mabait siya at nakakatuwa.
Kinuha agad ni sir ang clear book ng 2nd year students. Tinanong niya kung ano ang pangalan ko. Pagkabigay ko hinanap na niya agad sa listahan. Wala. Buklat siya ng isa pang clear book, wala pa rin. Kinailangan pang bulalatlatin yung ikalawa para lang mahanap yung file ko.
Sinimulan na niyang ilagay yung grades ko.
Kalagitnaan ng paglalagay niya, napahinto siya. Wala sa kurikulum ko yung subjects na nasa certificate of grades ko. Lapit siya ngayon sa department head.
Tinignan ni ginang head yung file ko at nagulat siya na blangko pa ang profile ko at walang evaluation ng registrar ang papel ko. Samakatwid, wala akong record sa kanila ng paglipat ko. Ang malala pa, hindi tugma ang mga kinuha kong subjects sa kurikulum na sinusundan ko.
Ang nag-asikaso kasi sa akin nung pasukan ay iyong assistant dean na ngayon ay wala na roon. Nag-migrate na raw sa ibang bansa nung nakaraang semestre.
Kalokohan lang pala ang pagpasok ko doon kung tutuusin.
Pagkatapos noon ay pinabalik-balik nila ako sa faculty, sa dean's office at sa registrar para lang magkaroon ng katauhan yung pangalan na nagbayad at nagkaroon ng grades doon.
Hindi ko na isinama at sinabi sa nanay ko kung ano yung ginagawa ko. Basta iniwan ko lang siya sa tapat ng dean's office para kumportable dahil malamig doon.
Nagdidilim na nung matapos ko yung mga pinagawa sa akin. Sa huli, wala pa rin akong napala dahil di ako umabot sa assessment o encoding ng schedule. May problema pa sa pagkuha ko ng major subjects. Pinabalik ako kinabukasan para sa encoding.
Kinabukasan, uminit na naman ang ulo ko dahil sa susunod na linggo na ang resume ng mga proseso ayon sa tao na nasa dean's office. Bakit ba wala silang matinong sistema?
***
Sabi nga ni Katy Perry, "Comparisons are easily done once you had the taste of perfection."
Mahirap para sa akin na yakapin ang kinalalagyan ko ngayon dahil napakasakit ng pinagdaanan ko kaya nagkaganito.
Sinikap kong bigyan ng pagkakataon ang sarili ko na ibahin ang pananaw ko ukol sa unibersidad na iyon pero sa araw-araw na inilagi ko doon, lalo lang pinagtitibay ng lugar na iyon ang kaayawan ko. Hindi ko mahanap yung bahid ng kaigayahan doon.
Kaya heto, sabi ko sa sarili ko kung magkakaproblema ako sa Huwebes, baka nga hindi ito para sa akin.
Wala na rin kasi akong pera na masasayang pa para lang sa pag-asikaso sa wala.
Bahala na.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento