Malaki ang banta ngayon sa ating identidad bilang mga Pilipino. Noong nakaraang Sabado ay ibinalita sa amin na nagsimula na ang sibakan ng mga propesor ng Filipino sa ilang pribadong paaralan sa kolehiyo.
Sinabihan na rin kami na maaari nang mawala ang aming kurso. Iilan na lamang daw kami sa mga nalalabing magtataguyod ng Wikang Filipino sa hinaharap sa iba't ibang larang sa kabila ng banta na isalin sa wikang banyaga ang mga bernakular na katha upang makiayon sa pag-iiba ng sistema ng edukasyon.
Nangangamba ngayon ang mga propesor tulad ng sa akin na sila ay maiipit sa mga nag-uumpugang bato hinggil dito. Nariyan ang sabi na ang mga nagtuturong regular ay bibigyan ng prayoridad sa paglilipat sa sekondarya kung sakaling maganap na nga ang napipintong sibakan. Ang mga "part-timers" kung tawagin ay ang mga "casualties" bilang sila ay kung ituring ay salingkit lamang.
Kahit pa may ganitong plano ay di pa rin ubra dahil sa sekondarya raw ay may kwalipikasyon na dapat ay LET passer na ang karamihan sa mga propesor ay hindi, para pa rin tuloy silang mga gagambang nakabitin sa pabigay nang kisame ng sistema.
Ang k-12 daw ay sagot sa mababang lebel pagdating sa kumpitensyon ng mga Pilipino sa labas ng bansa. Kapag nangingibayo ay hindi matanggap-tanggap sa angkop na trabaho sa kurso dahil kulang sa taon ng edukasyon. Kaya ang ginawan ng solusyon ay ang bilang ng taon, hindi ang kalidad at prayoridad na makaranas ng edukasyon ang marami. Idagdag mo pa rito ang di pagtugon sa kakulangan ng mga guro, aklat, silid-aralan at maging sa mismong establisimyento ng paaralan; sa pagpapabuti sana sa mga ilalaang bilang ng maaayos na trabaho sa hinaharap - pinili nilang tahakin ang madaling daan.
Sa aking pananaw ang ginawa ay tila pag-retoke sa panlabas na anyo ng nabubukbok sa loob na edukasyon. Pinagaganda ito sa labas upang maging kaaya-aya sa paningin ng mga banyaga. Sa halip na kinisin ang detalye mula sa loob ay hahayaan nang manatili sa kalidad na "pwede na."
Sumisibol ang ganitong mga ideya dahil narito ako sa mababang antas ng lipunan. Lahat ng mga nasabi ko ay base lamang sa mga naririnig at nakikita. Limitado ang kaalaman, walang kakayahan na makapagsaliksik sa mas malalim na lupa na pinag-uugatan ng problemang ito. Ngunit isa lang ang natitiyak ko - narito ako sa lebel na nakikita ko ang nagaganap sa lipunang ginagalawan ko, malayo at di kabilang sa mga nasa itaas na hindi na makayuko pa dahil silaw na sa nagkikinangang gintong palawit na pamain sa kanila ng banyagang konsepto at idealismo. Sila, na sa kasamaang palad ay ang mga may hawak sa kalakaran ng bayang ito.
Sa huli, ano pa nga ba ang pwedeng gawin nang isang hamak na tulad ko kundi maghimutok nang maghimutok? Mga salita na lamang ang pinanghahawakan na sa huli ay walang mapapala dahil di rin naman pinaglalaanan ng panahon at pinakikinggan.
Luho nang ibulalas sa hangin ang lahat at umasang ito ay may kapupuntahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento