Hindi maganda ang gising ko nang umagang ito. Pakiramdam ko punong-puno ang ulo ko. Di naman ako puyat. Baka sadyang hindi lang ito isa sa mga araw na iyon.
Ngayon lang ako nakaramdam ng sobrang inis na umaabot na sa puntong gusto kong manakit. Ito yata yung sinasabi sa Anger Management, pelikula ni Adam Sandler, na taong bulkan. Kapag ay napuno ay parang bulkan sa pagsabog.
Maaga ako nagising. Narinig ko ang bunso kong kapatid na kaluskos nang kaluskos sa taas. Hinahanap daw niya ang kuting. Nang bumaba ako, naghanap na rin ako pero inihinto ko din kasi para sakin hindi talaga panghabang panahon ang mga pusa. Darating yung araw na aalis at aalis din sila.
Akala ko ito na yung araw na iyon para sa inampon naming kuting.
Nasa sala ako, umiiyak na ang aking kapatid dahil di niya iyon makita. Napabuntong hininga na lang ako. Pagtingin ko sa itaas ay nakita ko ang kuting sa may bintana, tulog.
Hindi ako natuwa. Sa totoo lang, wala akong naramdaman.
Maaga akong naghanda para sa pagpasok. 11 am ang klase ko at 9:30 pa lang nagbihis na ko.
Late ako dumating sa klase. Ito na ang unang nakapuno sakin...
Ang magaling kong guro sa english, nilapitan at kinausap ko nang maayos para sa homework na ipapasa ko, inirapan ba naman ako. Hindi. Ismid. Inismiran niya ko. Naalala ko nung unang meeting namin ayaw raw niyang may nagmemake face sa kanya. Paano ko magagawa iyon kung ganon ang pakikitungo niya sa amin?
Respect begets respect.
Kaya nga hindi ko inilalabas ang tunay kong nararamdaman minsan. Ayoko masaktan kaya hindi ako nananakit. Nananahimik lang ako.
Sumunod doon ay ang mali-mali niyang grammar. Hindi naman sa nagmamayabang pero may kaalaman din naman ako sa ingles. Alam ko kahit ang simpleng subject-verb agreement na hindi niya maitama sa pagdidiscuss niya. Ang lakas pa ng loob mamahiya ng estudyante kapag mali ito kapag nagrerecite.
Para talagang lumalangitngit na yero sa tenga ko ang ganong mga pagkakataon.
Bitch.
Pag-uwi ko, mainit. Sobrang init. Tagos sa payong ang init. Sobra pang maningil ng pamasahe si manong driver kahit sinita na siya ng ibang pasahero at higit sa lahat ay WALA SIYANG MATRIX.
Pagdating ko sa bahay, nagbihis ako. Sabi ko gagamit ako ng computer dahil may kailangan akong gawing project. Pabalang ba naman ako sinagot ng bunso kong kapatid. Doon ko na naisip lahat ng hambalos na pwede kong gawin sa kanya.
Pero...
Syempre di ko ginawa.
Hihintayin ko na lang siguro yung isang tao o bagay na talagang pwede kong madurog para mailabas ko lahat ng ito. (Insert evil laugh)
Hinde.
Siguro itutulog ko na lang ito. Masarap matulog kapag mainit. Araw lang ang masipag maninag. Nakakatamad gumawa ng kahit ano - kahit pa manakit ng tao. Hihi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento