Lunes, Hunyo 30, 2014

Pasintabi sa Mabubuting Tao

Hindi maganda ang gising ko nang umagang ito. Pakiramdam ko punong-puno ang ulo ko. Di naman ako puyat. Baka sadyang hindi lang ito isa sa mga araw na iyon.

Ngayon lang ako nakaramdam ng sobrang inis na umaabot na sa puntong gusto kong manakit. Ito yata yung sinasabi sa Anger Management, pelikula ni Adam Sandler, na taong bulkan. Kapag ay napuno ay parang bulkan sa pagsabog.

Maaga ako nagising. Narinig ko ang bunso kong kapatid na kaluskos nang kaluskos sa taas. Hinahanap daw niya ang kuting. Nang bumaba ako, naghanap na rin ako pero inihinto ko din kasi para sakin hindi talaga panghabang panahon ang mga pusa. Darating yung araw na aalis at aalis din sila.

Akala ko ito na yung araw na iyon para sa inampon naming kuting.

Nasa sala ako, umiiyak na ang aking kapatid dahil di niya iyon makita. Napabuntong hininga na lang ako. Pagtingin ko sa itaas ay nakita ko ang kuting sa may bintana, tulog.

Hindi ako natuwa. Sa totoo lang, wala akong naramdaman.

Maaga akong naghanda para sa pagpasok. 11 am ang klase ko at 9:30 pa lang nagbihis na ko.

Late ako dumating sa klase. Ito na ang unang nakapuno sakin...

Ang magaling kong guro sa english, nilapitan at kinausap ko nang maayos para sa homework na ipapasa ko, inirapan ba naman ako. Hindi. Ismid. Inismiran niya ko. Naalala ko nung unang meeting namin ayaw raw niyang may nagmemake face sa kanya. Paano ko magagawa iyon kung ganon ang pakikitungo niya sa amin?

Respect begets respect.

Kaya nga hindi ko inilalabas ang tunay kong nararamdaman minsan. Ayoko masaktan kaya hindi ako nananakit. Nananahimik lang ako.

Sumunod doon ay ang mali-mali niyang grammar. Hindi naman sa nagmamayabang pero may kaalaman din naman ako sa ingles. Alam ko kahit ang simpleng subject-verb agreement na hindi niya maitama sa pagdidiscuss niya. Ang lakas pa ng loob mamahiya ng estudyante kapag mali ito kapag nagrerecite.

Para talagang lumalangitngit na yero sa tenga ko ang ganong mga pagkakataon.

Bitch.

Pag-uwi ko, mainit. Sobrang init. Tagos sa payong ang init. Sobra pang maningil ng pamasahe si manong driver kahit sinita na siya ng ibang pasahero at higit sa lahat ay WALA SIYANG MATRIX.

Pagdating ko sa bahay, nagbihis ako. Sabi ko gagamit ako ng computer dahil may kailangan akong gawing project. Pabalang ba naman ako sinagot ng bunso kong kapatid. Doon ko na naisip lahat ng hambalos na pwede kong gawin sa kanya.

Pero...

Syempre di ko ginawa.

Hihintayin ko na lang siguro yung isang tao o bagay na talagang pwede kong madurog para mailabas ko lahat ng ito. (Insert evil laugh)

Hinde.

Siguro itutulog ko na lang ito. Masarap matulog kapag mainit. Araw lang ang masipag maninag. Nakakatamad gumawa ng kahit ano - kahit pa manakit ng tao. Hihi.

Sabado, Hunyo 28, 2014

Ulat... Wala sa Ulirat...

Maaga akong gumising kanina. 7:00 am ang pasok ko pero gumising na ko nang 4:30. May kailangan kasi akong madaliin na research at pagsulat. Nakaiskedyul kasi ako ngayon para sa pag-uulat.

Tulad ng nakasanayan dati, cramming ang drama. Ang tagal ko ding hindi ito nagawa. Sa totoo lang, natuwa ako.

Hindi na ko nakakain ng maayos na agahan. 6:45 am na nang makaalis ako. Todo ang pagmamadali ko kasi naalala ko na may pagsusulit nga pala kami.

Dumating ako sa klasrum wala pa ang propesor namin. 7:23 nito. Nagtext siya at ang sabi ay hintay lang daw kami at darating siya. Mahigit alas-otso na nang dumating siya.

Sa kaibuturan ng puso ko ipinagdadasal ko talaga na sana hindi na siya dumating pero naging maganda na rin iyon dahil nakaraos na.

Nagsimula na ang pag-uulat...

Sa kabutihang palad, nang ako ang tumayo sa harap ay lumabas ng room ang propesor. Salamat at ang mga kaklase ko ay parang mga daga nang lumabas na ang pusa. Sinimulan ko na ang ulat kahit ganon ang estado nila. Nawala ang kaba ko. Nang bumalik ang pusa, tumahimik ang mga daga at itinuon nang lahat ang atensyon sa akin. Bumalik din ang kaba.

Boses at ang pagtibok ng puso ko ang tanging naririnig ko. Hindi ko inaalis ang mga mata sa hawak na papel na lulan ang aking ulat. Bumilis ang aking pagbabasa at agaran ay natapos ko iyon.

Nang itaas ko ang aking ulo ay nagulat ako. Naroon siya sa may pintuan. Wala dapat siya doon dahil hindi ko naman siya kaklase. Nagkautal-utal ang aking pagsasalita. Nawala ang balangkas na nakatatak sa utak ko. Niliban ko ang tingin ko sa kanya at agad na tumingin sa iba.

Haaay... Boom. Boom. Boom!

Ganito pala ang pakiramdam nang bata ulit. Parang bumata ako nang labingtatlong taon. Bumalik ako sa pagiging grade 1 ko.

Kanina lang pala siya pumasok. Huli na siguro nang maayos ang iskedyul niya. Ayon... Kaklase ko siya sa tatlo kong subject.

Nakakatawa lang talaga. :)

Biyernes, Hunyo 27, 2014

Baliktanaw No. 2

Mas maikli na ang oras na iginugugol ko sa byahe ngayong wala na ko sa dati kong paaralan. Nakakaalis ako ng bahay tatlumpung minuto bago ang simula ng aking klase. Darating ako sa unibersidad nang maaga nang sampung minuto. Di hamak na mas komportable din ang pagbibiyahe. Tiyak na may masasakyan at laging nakaupo.

Malayong malayo ito sa nakasanayan ko noon. Dati kailangan kong umalis nang dalawang oras bago ang klase. Darating ako noon sa classroom nang limang minutong maaga o tama lang sa oras.

Kahit na ganito ang buhay ko noon, masaya naman ako kahit pagod.

Hinahanap-hanap ko ang gahigad na pag-aabang ng mga tao sa bawat tadyang ng kalsada. Naaalala ko din tuwing nag-uunahan ang mga tao sa pagsakay sa bus yung pelikula na Shaolin Soccer. Parang paano kaya kung tulad non ang pagsakay ng mga tao? (Kapag talaga madalas kang late, di ka na lang magsasayang ng energy para magmadali pa. Kung anu-ano na nakikita at naiisip.)

Namimiss ko din yung mga pagkakataon na nakikita ko yung iba't ibang klaseng mga tao. Kapag nakatayo ako sa bus, nandon yung may natutulog nang nakatayo, yung sumasabay sa kantang pinapatugtog niya sa portable audio device niya na hindi niya alam na malakas na ang boses niya at sintunado pa, yung aburidong mga babaeng akala mong sa kanila ang estribo kung ismiran ka kapag nabunggo mo sila, yung mga lalaki na pinagmamalasakitan ka pa na kahit nauna sa upuan ay tatayo para ikaw ang makaupo, at higit sa lahat yung mga kundoktor na natatawa kapag kinukuha ang pangalan ko sa id.

Sa pagbyahe ko rin sa bus naranasan matawag na "ine" o "neng" kahit eighteen, nineteen hanggang sa magtwenteen na ko. Kahit hipon akong maituturing, bata pa rin ang tingin sakin. Nandon din yung pamilyar na ko sa mga kundoktor sa tatlong liner ng bus na nasasakyan ko. Tuwing nakikita ako ay ngingitian na lang ako at hindi na ko tatanungin kung saan ang destinasyon. Awtomatiko na iyong ipupunch sa tiket ko.

Ibang klase din ang pakiramdam kapag dumating na ko sa klasrum. Sa dalawang kursong kinuha ko sa unibersidad na iyon, hindi ko naranasan na hindi batiin pagdating ko kahit late pa ko at nandon na ang propesor.

Pagkatapos ng klase ay kakain naman sa labas. Wala mang pangkain, tagapakinig naman ako at tagakwento rin paminsan. Kadalasan, tagatawa.

Minsan sa pagbyahe ko pauwi, may nakasabay ako na hindi ko kaano-ano pero nilibre niya ko ng pamasahe sa bus. Meron din yung inalok pa ko ng fries ng Jollibee. Naranasan ko na din kausapin ng random na tao lang. Di ko alam kung anong aura ang meron ako at hindi nila maramdaman na territorial ako pagdating sa personal space ko. Mababait naman sila kaya kabaitan na lang din talaga ang maitutugon mo. Nakakatuwa din kung tutuusin.

Sa byahe pauwi rin ako kadalasan nakakapagmuni-muni dahil pagdating ko sa terminal ay maghihintay pang punuin ang bus bago umarangkada. Paborito kong panahon ang tag-ulan. Lagi akong namamangha sa pagtambol ng mga patak sa bubungan ng bus at sa pahilig na pagdaloy ng tubig sa bintana.

Noong hindi pa kami lumipat ng bahay, ang sakayan ko ay malapit sa isang mall. Pagkatapos ng klase, deretso ako doon. Hindi naman ako namimili gawa nang sakto lang ang baon ko sa pamasahe pero sight seeing lang din talaga - pampalipas oras.

Kahit araw-arawin ko yon di ako nagsasawa kasi iba-iba ang nakikita.

Isang araw pwedeng sira ang escalator. Makikita mo ang inis ng mga taong pagtapat sa paanan noon ay sisinghal pa, ang patagilid na pag-akyat ng mga nakahigh (to the max) heels, ang mga kabataang fashionistang kung pumorma ay akala mong taga-Amerika kahit parang Africa ang init sa labas, naroon din yung mga guwardiya sa entrada na nagkukuwentuhan pa habang tinutusok ng stick nila ang bag mo. Pagpasok mo ng mall, makikita mo yung mga magsyota na hhwwpssp, ang magbabarkada na sobrang kulit at ang iingay, nandon ang mga bata na patakbo-takbo pa, at ang mga promo people na nakakalibang pagmasdan. Para silang robot na ipinograma na paulit-ulit ang sasabihin. Ang sakit siguro sa panga non. Isipin mo sa mahigit walong oras ng mall ay iyon lang ang gagawin mo at pilit pa. Mapalad na lang kung siya yung tipo na lahat ay ineenjoy na lang.

Nakakamiss din yung mga ganyan. Kahit mahirap ang buhay, kahit dumarating yung mga araw na ice cream lang sa ministop ang laman ng tiyan ko sa buong araw, nakakaginhawa pa rin yung saya.

Iyon siguro ang wala sa akin ngayon sa paglipat ko. Naiwan doon ang saya ko. Sasabihin ng iba, isang desisyon ang pagiging masaya pero para sakin mayroon talagang kinalalagakan ang puso ko. Yung mga lugar, tao, pagkakataon na masasabi kong at home ako - iyon ang nawala sa akin.

Sa kabilang banda, ito na rin siguro ang paraan ng Diyos para lawakan ang pananaw ko. Hindi sa lahat ng oras nasa ibabaw ka. Minsan lugmok ka na, kailangan mo pa rin gumapang sa putikan. Ayos na rin iyon dahil kung nasa pinakaibaba ka na, wala nang ibang daan kundi pataas. :)

Miyerkules, Hunyo 25, 2014

Pusa sa Puso

Noong nakaraang linggo, Miyerkules, habang ginagawa ko ang harang para sa bintana ko, may narinig akong pusang umaangil sa labas. Akala ko ay binubuska na naman ng "bulugan" (a.k.a. bully na pusa) ang alaga namin. Sumilip ako sa bintana at nakita ko ang isang puting pusa na inaangilan ng pusa namin. Hindi ito lumalaban. Sa halip ay nakatingin lang ito sa isa. Bakas sa itsura niya ang takot. Nanood lang ako dahil di ko naman alam ang gagawin. Dahil nga sa nanghihimasok ang puting pusa na ito sa teritoryo namin, natural lang naman na labanan siya ng alaga namin.

Di nagtagal, may pumasok ng bahay. Lumabas din naman siya agad. Tapos na ko sa ginagawa ko nito kaya naglalaro na lang ako sa computer. Bigla na lang akong may nakitang puti na gumagalaw. Tinayuan ako ng balahibo dahil sa gilid ng mata ko lang siya nakita. Nang lumingon ako, ang puting pusa pala.

Pinapasok siya ng kasama namin dito sa bahay. Akala daw niya ay panibagong alagain ni mommy. Nagkagayonman, kinupkop na rin namin siya.

Ilang araw pa lang siya dito sa amin pero sobrang lapit na niya sakin. Sa katunayan kagabi nung napagmalupitan siya ng kasama namin, naiyak talaga ako.

Nung una akala namin ay "engot" siya. Hindi namamansin. Hindi siya palangiyaw at madalas palakad-lakad lang. Tahimik. Palinga-linga rin. Kahit anong suwit namin, di man lamang siya tumingin. Kalaunan, nalaman naming hindi siya nakakarinig. Nagagawa niyang matulog sa harap ng computer kahit maingay ito. Minsan ay natutulog din siya sa may tv kahit malakas pa ito. Noong nilinis ko ang dumi niya, kahit kinaladkad ko na ang papag at ang mesa para maabot ang dapat kong linisin, nanatili pa rin siyang tulog. Nagigising lang siya kapag hinawakan siya.

May pagkakataon din na kapag tatalon siya ay mahuhulog siya kahit malapit lang ang distansya. Tila wala siyang balanse.

Ngumingiyaw naman siya pero ito ay sa tuwing humihingi lamang siya ng pagkain. Ngumingiyaw siya nang isa o dalawang beses pagkatapos noon ay wala na. Magpapaikot-ikot na lamang siya ng lakad sa mga binti namin. Alam na namin non kung ano ang kailangan niya.

Kadalasan ay blanko ang kanyang tingin. Parang laging nagtataka. Mas madalas rin siya lumibot kaysa maglaro di tulad ng ibang pusa. Para siyang laging may inaalam. Kung ano ang makapukaw sa kanyang atensyon ay tiyak na susundan o pupuntahan niya ito.

Dahil dito, higaan niya ang keyboard ng computer kapag may gumagamit. Ang katawan niya ay nakalatag sa mga letra pero ang ulo ay nakatutok sa monitor, sinusundan ng tingin ang cursor. Kapag pumirmi na iyon sa isang lugar ay saka niya ito dadambahan.

Ngayon lang ako ulit natuwa sa pusa pagkatapos mamatay ng una kong inalagaan na siyang larawan ng account na ito. Naaalala ko pa ang unang araw na nakita ko siya. Maulan noon nang dumating ako sa bahay namin. Paghinto ng tricycle sa tapat ay narinig ko na ang matinis na iyak ng isang kuting. Hinanap ko ang pinanggagalingan noon at nakita ko siya sa ilalim ng isa sa mga halaman namin. Dinampot ko siya at tinignan. Noon lang ako nakakita ng kuting na ganoon kaliit. Mas maliit pa siya sa palad ko at unting-unti pa lamang ang balahibo. Ibinaba ko siya dahil nagdalawang-isip ako kung kukunin ko ba siya. May kasama kasi kaming ayaw sa hayop. Ibinalik ko siya sa pinagkuhanan ko sa kanya at pumunta na sa gate namin. Narinig ko na naman ang pagngiyaw niya. Pagtingin ko ay naglalakad na siya papunta sa akin. Sabi ko sa sarili ko ay bahala na at saka ko siya binuhat at ipinasok sa bahay.

Isang taon din siya nagtagal sa amin bago siya nawala. Di ko alam kung anong nangyari sa kanya pero ilang araw rin yung hinang-hina siya at blanko na kapag tumitingin. Mabagal na rin ang galaw niya. Namatay siya sa araw na wala kami ng bunso kong kapatid sa bahay at naroon kami sa Maynila kasama ng mommy namin. 

Di naman siya katulad nitong bagong dating pero may isang bagay na mayroon sila. Nakuha nila ang loob ko sa angkin nilang naiibang katangian. Naiiba man sa ibang mga pusa, "weird" nga kung tawagin ng aking bunsong kapatid, iyon naman ang dahilan kung bakit sila naging espesyal sa puso ko.

Ito ang larawan niya sa unang araw niya sa amin. Di ko na siya binigyan ng pangalan dahil hindi naman niya ko naririnig (ahihihi) pero tinatawag siya ni mommy na Misty. (Ang taray!)


Biyernes, Hunyo 20, 2014

Bahala Na

Dalawang linggo pa lang ako sa nilipatan kong unibersidad pero iba na ang pakiramdam ko. Tuwing papasok ako, laging kinakaladkad ko ang mga paa ko. Tuwing uuwi naman ako pagkatapos ng klase, gusto kong umiyak.

Kapag naglalakad na ko papunta sa entrada ng paaralan ko, pakiramdam ko simula na ng bangungot ko. Humihiwalay ako sa katawan ko. Lumilipad sa hangin. Kung ano man yung parteng ako, wala na yon kapag umapak na ko sa silid-aralan.

Dalawang linggo, walong araw ang total, pagod na ko.

Sabi ko kanina kay Lord, kung ano man ang plano niya sana sabihin na niya sakin kasi suko na ko. Dinudurog ako sa bawat araw na inilalagi ko roon. Masama man sabihin pero hindi akma sakin ang sistema roon.

Ilang taon rin ang iginugol ko na pilit na tinutuwid ang mga pagkakamali ko. Ngayon lang ako nakaranas ng ganito na hinahayaan lang magkamali ang mga tao. Oo, maganda yon pero paminsan lang sana. Dapat rin ay may matututunan. Ang labas tuloy walang gabay at tuluyan lang namamaluktot ang di dapat bumaluktot.

Kahapon mayroon kaming pagsusulit. Iniwan kami ng propesor para sagutan ang mga iyon. Mayroon akong isang kaklase na may kakilala sa ibang klase na alam ang sagot sa bawat blanko. Ang ginawa niya, tinabihan niya ang mga kaklase namin at siya ang nagsagot ng mga pagsusulit.

Di ko alam kung iyon ba yung sinasabing diskarte. Oo, hindi sayang sa oras. Oo, hindi sila nahirapan. Ang sakin lang, hindi rin sila natuto. Kung diskarte man iyon, diskarteng baluktot. Paano na lang sila kapag nasa labas na ng akademiya? Mandaraya na lang rin ba sila? Paano sila uunlad? Paano tayo uunlad?

Ito na siguro yung hirap na nagbabadya sa akin noon. Lagi ang gusto ko ang tamang gawin. Ngayon, kapag hindi ka kasali sa marami, kahit ikaw ang tama, pilit kang imamali. Pagtutulungan ka pa.

Sa kabila ng kaalaman kong ito, wala akong ginawa.

Sana nga may sinabi ako o ginawa para matauhan sila. Ang problema ko lang ayoko magdulot ng lamat sa amin. Dalawa't kalahati pang taon ang pagsasamahan namin. Ang gusto ko lang kasi dumaan lang sa lugar na iyon.

Hindi maganda dahil namimili ako ng kasama o ng tao. Mas hindi naman maganda kung magpapanggap ako. Sa karanasan ko, mas masakit iyon.

Dalawang linggo, walong araw... pito lamang pala dahil holiday ang isa... Pagod na ko. Gusto ko na itigil ito.

Sabi ng mga kaibigan ko may plano daw ang Diyos para sa akin. Di ko alam. Tiwala lang daw...

Sige...

Bahala na. :)

Martes, Hunyo 17, 2014

Di Tunay na Kaibigan

Di ko alam kung saan at kailan ba pwedeng sabihin ang mga ito. Ulit, salamat at may blog. Di man sa mga taong dapat patunguhan ng mga salitang ito, ayos na yung basta may napagsabihan ako. NA hindi ako huhusgahan nang basta-basta dahil hindi naman ako kakilala.

Naisip ko hindi ako isang totoong kaibigan. Unang una sa lahat dahil tuwing lasing lang ako nagbabahagi ng kwento. Kadalasan, tagapakinig lang ako. Alam ko madaming may gusto ng ganoong kaibigan at batid kong masaya rin naman ang mga kaibigan ko na kaibigan nila ako dahil sinasabi nila sakin yon pero... ayoko nung pakiramdam na sa tuwing kasama ko sila, awtomatikong tumitikom at mga labi ko at tenga na lamang ang gumagana.

Ikalawa, ito nga. Hindi ko magawang magpakatotoo sa kanila.

Tulad nila, gusto ko rin magkwento. Gusto ko rin magpatawa. Gusto ko rin ibulalas ang mga pinagdadaanan ko. Ang problema hindi ko nararamdaman na palagay ang loob kong ilabas ang mga iyan sa kanila.

Siguro ang gusto ko yung parang kapatid na ang turing. May oras na nagkakabalahuraan na sa sobrang palagay sa isa't isa. Alam ko sensitibo kaming mga babae pero gusto ko yung may bukas rin siyang utak. Sa takbo nito, malamang sa malamang, isa lang yung magiging kabigkis ko talaga. Ayos lang naman iyon kung yun naman talaga yung kahihinatnan namin.

Gusto ko na kapag may kanya-kanya na kaming iniibig, pagkukuwentuhan namin lahat ng pwedeng pagkuwentuhan. Masasabihan ko siya ng tanga habang humahagulgol siya sa harap ko kapag may kagagahan siyang nagawa, maitutulak ko siya kapag abot molars na ang kilig na nararamdaman ko, maaaway ko siya kapag kinuha niya o naubos niya ang mga pampaganda ko, at hahatakin ko siya kapag gusto kong gumala at wala akong kasama. Syempre, ganon din siya dapat sakin.

Kaya...

Sa tingin ko sa ngayon hindi ako totoong kaibigan sa mga kaibigan ko. Oo, napapagsabihan nila ako ng mga problema nila, nabibigyan ko sila ng payo, pero parang hindi ako nagiging isang mas mabuting tao.

Sila man yung nakilala ko noong high school, hindi pa siguro sila yung halos kadikit na ng bituka kong kaibigan.

AT...



Isa pa pala...




Gusto ko sana kasing tangkad ko rin yung future sister/kadikit ng bituka ko. Hoho.

Miyerkules, Hunyo 11, 2014

Ginintuang Pagkakataon

"Text mo ko kapag nandon ka na. Nandon naman ako. Nagpapamedical."

Alas kwatro nang dumating ako sa pagkikitaan namin ng kuya ko kahapon. Kinuha ko muna yung kailangan ko sa opisina saka ako nakipagkita sa kanya. Pagtingin ko sa cellphone ko sabi niya nakita na daw niya ko. Di ko naman alam kung saang banda niya ako nakita.

Agad akong pumunta sa ospital at nagtext sa kanya na nandon ako. Matagal siyang di sumagot. Luminga-linga ako sa paligid. Isang beses na paglingon ko, nakita ko na siya. Nanggaling siya sa gusali na pinanggalingan ko.

Papalapit na siya, nakangiti. Noon ko lang siya nakita nang ganoon na papalapit sakin sa lugar na iyon. Naaalala ko kasi dati tuwing papalapit na siya sakin, nakasimangot. Nandon yung pakiramdam na sana mawala na lang ako. Di ko naman siya masisisi dahil tuwing nagkikita kami noon, nag-aabot siya ng pera. Kung hindi baon, matrikula.

Iba kahapon.

Kahit magkikita lang kami para bigyan niya ko ng pera para sa gamot ni mommy at pamasahe ko pauwi, nakangiti siya papalapit sakin. Inisip ko baka may nangyaring maganda bago ako dumating.

Inabutan niya ko ng apat na raan. Tinanong ko siya kung magkano ang kay mommy doon. Sabi niya tatlong daan daw. Sabi ko sa kanya akala ni mommy pang-isang buwan ang ibibigay niya. Di ko na siya hinintay sumagot. Sabi ko aalis na ko kasi may katatagpuin pa ko. Pinigilan niya ko at sabi niya magwiwithdraw daw siya.

Papunta kami sa atm. Sabay kami maglakad, magkatabi. Noong huling sabay kami maglakad, pinalayo niya ko. Ayaw daw niyang makita siyang kasama ako. Ayon. Kaya malaking bagay yung nangyari kahapon. Pakiramdam ko na, sa wakas, tanggap ako.

Pagkatapos namin magwithdraw, binigyan pa niya ako ng ekstrang pera para pangkain sa labas. Bago kami maghiwalay, ikinuwento niya pa sakin yung mga nangyari sa kanya sa medical niya. Ang dami daw tests na pinasagutan sa kanya tapos naroon pa yung kailangan niyang tumakbo para maabutan ang accounting department sa kabilang gusali.

Nakakatuwa kasi yun na yung huling pagkakataon na pupunta ako sa lugar na iyon tapos ganon pa yung nangyari. Ang sarap sa pakiramdam.

Sa lahat nang nangyari dati, ito siguro yung masasabi kong ipinagpapasalamat ko. Kahit konting magandang nangyari lang, sobra na ang halaga sakin kasi alam ko yung pakiramdam kapag wala nung "konti" na iyon.

Ayon. Kaya kung sino man makakabasa nito, pahalagahan mo lahat ng magandang nangyari, nangyayari at mangyayari sayo. Yung di kagandahan, kapulutan mo ng aral. :)

Sa Gitna ng Bawat Segundo

Pauwi kami ng bunso kong kapatid mula sa pamilihan nang mangyari ito. Ang inakala kong tipikal na byahe pauwi ay mag-iiwan pala ng isang bagay na liligid ligid sa utak ko.

Halos puno na ang jeep na nasakyan namin. Naunang sumakay ang kapatid ko at sa kaliwa siya pumwesto malapit sa tsuper. Nang kinuha ko ang pamasahe namin, napansin ko ang matandang lalaking katabi niya. Inaamin ko medyo nailang ako sa kanya. Sa katunayan ay inilayo ko ang aking kapatid.

Hindi ko siya lubos matanaw dahil natatakpan siya ng aking kasama. Muli ko lang siyang tinignan nang magtanong siya sa drayber, "Saan ba ako bababa?"

Tinanaw ko siya. Marumi ang kanyang pananamit, di ahit ang balbas ngunit maamo ang mukha at malamlam ang mga mata. Nakaramdam ako ng kurot sa puso ko matapos ko siyang suriin. Nagkatinginan na lang kami ng kapatid ko.

Tinanong ng drayber kung saan daw yung sinabing pagbababaan sa kanya ng kasama niyang nagsakay sa kanya. Sagot ng matanda ay sa Tabang-Plaridel. Mayroon pa silang pinag-usapan pero di ko na narinig dahil maingay ang mga sasakyang nagdadaanan.

Di nagtagal itinabi ng drayber ang jeep at sinabi sa matanda na doon na siya bumaba. Di ko alam ang pinag-usapan nila pero pagbaba ng matanda ay sinabi ng drayber na isinakay ito mula pa sa Marilao. Sabi ng isang pasahero baka daw binigyan lang ng pamasahe at pinabayaan na.

Yun din ang iniisip namin ng kapatid ko.

Kung makikita mo lang ang itsura ng matanda, maaawa ka din talaga. Para siyang batang inosenteng susunod sa kahit ano mang sabihin mo. Sabi ng kapatid ko parang pusa daw na iniligaw. Natatandaan ko sa pagbaba ng matanda, di niya alam ang nangyayari sa kanya dahil nakangiti pa siya. Maliit ang mga hakbang kaya't natitigan ko ang kanyang mukha. Kung pwede lang sana sasamahan ko siya't tutulungan. Kahit man lang dalin sa barangay o sa kahit anong awtoridad na mas malaki ang tsansang matulungan siya.

Sa kabutihang palad, may dalawang lalaki naman na umalalay sa matanda pagbaba nito. Sana nagawa nila siyang tulungan.

***

Sa totoo lang naalala ko ang tatay ko sa matanda. Siguro medyo naawa rin ako sa tatay ko. Naisip ko kasi baka sobra din ang nagawa ng matanda sa mga malalapit sa kanya kaya't humantong sa ganon.

Di ko naman magagawa sa tatay ko yon kahit di ko na talaga kayang mapalapit ulit sa kanya tulad nang dati. 

Nakakalungkot lang kasi talaga palang may mga taong sumusuko sa ganong paraan. Nababasa ko lang dati at napapanuod ang mga ganitong pangyayari. Di ko akalain na masasaksihan ko ito nang harapan...

Kahit ano man ang dahilan o istorya sa likod ng nangyari, sana ayos lang ang matanda.

***

Wala pang limang minuto lahat ng ito pero malaki ang epekto sakin at alam kong habambuhay ko dadalin ano man ang natutuhan ko dito.

Twenteen

Dalawampung taon na ko pero para pa rin akong bata. Bukas naman ako sa mga diskusyon tungkol sa mga seryosong bagay tulad ng pakikipagrelasyon at sex pero hindi ko makita ang sarili ko na mag-uudyok ng ganong diskusyon.

Kagabi sabi ng mga kaibigan ko sakin maghahanda daw sila kapag nagkaroon na ko ng boyfriend. Hindi pa ko nagkakaroon ng boyfriend pero nainlove na ko minsan. Ilang taon ko rin siya pinanghawakan kahit isang taon lang tumagal yung "MU" namin. Pitong taon rin ang lumipas na sapat na siya sakin.

Ngayon, pinakawalan ko na siya. Di ko alam kung bakit pero nawala na lang bigla yung nararamdaman ko para sa kanya. Siguro kung magkita kami hindi na ko matatakot o magtatago ngunit tatratuhin ko na lang siya na parang isang kakilala sa nakaraan.

Yun ang ikinakaba ko.

Minsan kasi nag-usap kami. Sa panahong iyon may nararamdaman pa rin ako para sa kanya pero pinili kong maging 'sing lamig ng yelo. Ang sabi niya sakin parang wala daw kaming nakaraan kung umasta ako. Nasaktan din ako noon pero sa tingin ko yun ang dapat na gawin ko.

Ngayon, wala na siya... o siguro... wala na ako. Ang dating ako.

Ito na siguro yung pagod o sawa. Kapag may sumisilip na pagkakataon para sa romantikong mga bagay, mapapabuntong hininga ka na lang sabay sabi ng "na naman." Agad mong lalagyan ng tiyak ng katapusan kahit di pa man din nagsisimula.

Mayroon naman na muntik nang pumalit sa kanya pero hindi talaga ako handa pa. Hindi rin siya siguro ang talagang para sakin... o hindi lang iyon para sa akin.

Pakiramdam ko di ko na kaya makipagbolahan o kung ano pa mang ginagawa para magkaroon ng isang masayang pakikipagrelasyon sa isang tao. Para akong nahinog sa pilit pagkatapos ko pagdaanan ang ilang mga bagay na bumago talaga sakin.

Alam ko na hindi ako pwede sa patweetums na relasyon kasi parang sayang sa oras. Hindi sapat ang pagsasabi ng "mahal kita" o "I love you" para masigurado akong mahal ko ang o mahal ako ng isang tao. Alam ko kasi na lahat ng iyon lilipas din kaya huwag na lang.

Sabi ng isang minsan kong nakatrabaho, ang bata bata ko pa daw pero ganito na ko mag-isip. Dapat daw enjoy-in ko.

Sinusubukan ko naman pero wala talaga.

Tuloy kagabi nung sinabi ng mga kaibigan ko iyon, imposible na yata ako magkaroon ng 36" na pizza at unlimited drinks. Iyon talaga ang nakakalungkot.

Naghahanap naman ako pero... di yata. (Haha.) Tinanggap ko na rin kasi na tatanda ako mag-isa. Sabi ng mommy ko malungkot daw iyon. Siguro kung mag-isang mag-isa malungkot talaga pero gusto ko kasi puro kaibigan lang tapos lilibutin ko ang buong mundo.

Ang gusto ko kasi maituloy ko yung ginagawa ko noong elementary ako. Gusto kong tumulong sa mga batang mahihirap, magbigay ng scholarship, bigyan sila ng pagkakataon na maging bata, maglaro, mag-aral, mamasyal - basta mamuhay na parang bata.

Gusto ko rin tumulong sa kalikasan. Gusto ko lahukan lahat ng tree-planting projects na maeencounter ko. Gusto ko rin maging choir member ng isang maliit na parokya.

Gusto ko makapagpagawa ako ng sarili kong bahay na magsasabing akong ako talaga ang nakatira doon.

Siguro kung merong isang lalaking handang lunukin ang pride niya para sakin (alam ko kung kailan yung tunay at kung kailan yung para lang sa motibo), samahan at sabayan ako sa mga trip ko, unawain ako, yun na siguro ang panahon na bibigyan ko ng pagkakataon yung kahibangan na yan.

Pero...

Sa ngayon, kapag may nakatipo na sakin nang kaunti at manligaw, alam na...

Reunion 1/2

Ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang magkita kami ng isa sa tatlo kong mga matatalik na kaibigan, mahigit isang taon doon sa isa, at mahigit apat na taon sa isa pa - sina Katrina, Lara, at Jane.

Kagabi nagkaroon kami ng pagkakataon na magkita-kita muling tatlo. Di nakasama si Lara dahil may kailangan siyang gawing importante. Noong una ay medyo naiilang pa ako sa kay Jane. Sa apat na taon na kasing iyon, madalang pa sa full moon kung mag-usap kami. Malaki kasi ang pagbabago sa kanya sa pisikal na aspeto, kinabahan ako baka gayon din sa iba. Di ko alam kung paanong banat ng gagawin para maging tulad kami nang dati.

Pagkatapos namin magkita-kita sa plaza sa may Cubao, nagpahinga lang kami sandali at pumunta na sa malapit na kainan. Nakakatuwa kasi di rin pala gaanong nagbago si Jane. 'Sing liit pa rin ng kamao ko ang sikmura niya. Di pa nangangalahati ang burrito na binili niya, di na raw niya kaya. Kung sakin ang burrito na iyon, kulang pa.

Mahaba-habang kwentuhan ang nangyari. Maingay kung sa maingay. Parang mga lorong hindi mapakali. Di malaman kung sino ang mauunang magsalita kaya minsan ay nagkakasabay-sabay na nang buka ng bibig. Sa huli ay magtatawanan at bahala na kung saan mapunta ang kwentuhan.

Nag-aya si Jane sa Cubao Expo. Gusto daw niyang makapunta dahil nakikita raw niya sa mga litrato ang lugar na iyon na magandang puntahan kaya bago umuwi ay tumungo kami doon. Nag-aya rin siya uminom nang makakita kami ng magandang pwesto.

Kinagabihan bago kami magkita-kita, sinabi na sakin ni Katrina na may pinagdadaanan daw si Jane. Komplikado kaya mas maganda raw na personal kong malaman mula kay Jane.

Di ko masabi kung tagumpay ngang nailabas ni Jane lahat o hindi talaga siya komportable na ibahagi ang kwento niya pero sa nakita ko kagabi, malalim-lalim ang pinanggagalingan ng bawat salita at hirit niya.

Nakadalawang baso kami. 
Tumapon ang lahat.
Kulang ang gabi.
Sobra ang salita.

Hanggang sa susunod na lang... :)

Lunes, Hunyo 9, 2014

Resume of Classes

Kanina ko lang naramdaman ang ganong saya nang sumakay ako ng jeep. Sa tinatagal-tagal ko na ginagawa iyon dati, nakasanayan ko na at napagwalang-bahala.

"Bayad po. Isang estudyante."

***

Ngayon ang unang araw ko sa pagbabalik-eskwela. Iba ang kaba kahit kaninang paggising ko pa lang sa umaga. May kabog sa dibdib. Hindi ako sigurado kung anong mangyayari sakin kaya sa bawat hakbang ko pasulong, dalawang hakbang paurong.

Ala-sais ako nag-alarm pero 6:45 na ko bumangon. Alas-nwebe ang klase ko. Dapat ay maliligo na ko pero naunahan ako ng kapatid ko. Mahigit ala-siyete na nang ako ang sumalang sa paliguan.

Sampung minuto bago mag-alas-nwebe, dumating na ko sa aking unibersidad. Nalula ako sa dami ng tao. Sa loob ng anim na buwan, nasa loob lang ako ng bahay, tanging ang computer lang ang bintana ko sa aking kapaligiran. Nakakapanibago.

Hindi ko alam kung saan ang kwarto ng aking klase kaya diretso ako sa dean's office. Buti na lang at mabait si ateng napagtanungan ko. Agad akong itinuro sa dapat kong puntahan.

Pagdating ko sa klasrum, tumahimik ang lahat. Lahat ng mata ay bumaling sakin. Nasa ikalawang taon na kasi sila. Ako, bagong salta. Ako lang ang iba ang bihis. Lahat sila ay nakauniporme na.

Umupo ako sa may harapan, malapit sa mga taong inaakala kong madaling makipagkaibigan. Di ako nabigo. Agad nila akong kinausap, di pa man din ako nakakaupo. Naglahong bigla ang kaba ko.

Lumipas ang ilang minuto, hindi lumitaw ang propesor ko. May patakaran daw na kapag wala pa sa ganong oras ang magtuturo ay maaari nang umalis. Siyang gawa naman namin.

Sumunod kong klase, isang oras ang pagitan mula sa sinundan, tumambay na ko sa harap ng klasrum para doon. Dumating ang alas-onse at di pa rin dumarating ang propesor. Gustong-gusto na lumakad palayo ng mga paa ko pero malakas ang pakiramdam ko na darating siya.

Di ako nagkamali, nagpakita siya.

Pinay na pinay si ma'am. Di ko na sasabihin kung bakit pero malayong malayo siya sa mga naging propesor ko sa pinanggalingan kong unibersidad. Di man ganon kalakas ang datingan, masaya naman.

Siguro... Yun yung hindi ko pwedeng makuha ang lahat. Sa pinanggalingan kong unibersidad, naroon ang kalidad ng pagtuturo. Hindi magaan pero tiyak naman na may matututuhan. Mayroong may kasungitan, tiyak naman ang kaalaman. Ang paraan na tama naman para sa pangkolehiyong paaralan.

Dito sa nilipatan kong unibersidad, nandon yung magaan na atmospera na nakakaengganyo mag-aral. Hindi ka gagawa ng mga gawain dahil hindi lang kailangan, dahil din ay may kagustuhan. Iyon nga lang, medyo nasasakripisyo ang kalidad na pagtuturo.

Sa lagay ko, ayos lang sakin ang ganito. Parang sapatos na sakto ang sukat sa unang subok pa lang. Mas komportable ako sa metodolohiyang makapagpapayaman sa karakter ko kaysa sa nilalaman ng utak ko. Naniniwala kasi ako na mawala man ang kaalaman ko, kung buo naman ang pundasyon ng pagkatao ko, maibabalik at maibabalik ko rin iyon. Mas tiyak rin na uunlad ako kapag nakatapos na ko at mas handa nang sumuong sa tunay na mundo.

Siguro ito talaga ang plano para sakin. Hindi man ako sang-ayon dahil gusto ko talagang manatili sa pinanggalingan ko, mas maganda namang direksyon ang gusto ng Diyos para sakin.

Bilang unang araw, hindi siya ganon kasaya na mapapatalon ang puso ko sa tuwa pero nandon yung tamang emosyon lang para masigurado ako na lahat ay magiging maayos. Nawala ang lahat ng nararamdaman kong pag-aalinlangan. Sa tingin ko handa na ko para sa mga susunod pang araw.

Tiwala lang. :)