Linggo, Marso 15, 2015

Mula sa Itaas

Ngayong araw na ito iniakyat namin dito sa second floor yung desktop computer namin kasi mahina ang signal ng net sa ibaba. Gusto ko lang ibahagi kung gaanong kalaki ang epekto nitong maliit na pagbabago sa akin.

Sana magawa ko. Haha.

Kagabi kakapanood ko lang ulit ng About Time. Sa huling part ng movie, doon ko nakita kung paanong ikaw ang may hawak sa buhay mo - sa mga nangyayari sa bawat araw na inilagi mo sa mundo. Kung ano man ang maging outcome non, ikaw ang may dulot.

Ngayong nandito sa itaas ang computer namin, mas naramdaman ko yung kalayaan. Hindi ko alam kung paano ikukuwento kung bakit ganito ang impact nito sa akin, pero sa kanan ko nakikita ko ang mga puno at sa kaliwa ang langit, at dahil dito may bahagi sa akin na nabuhay. Noong sa baba pa ako gumagamit ng computer, ang nakikita ko sa kanan ko ay ang tv at sa kaliwa ang litter box ng mga alaga naming pusa.

Iba. Mayroon talagang nag-iba ngayon.

Matatapos na ang isang academic year sa nilipatan kong university pero wala pa ring nangyayaring redemption sa akin doon. One down, three to go. Matatapos na nga lang, pahirap pa rin. Hindi pa rin kasi ako nakakapag-adjust. Pakiramdam ko hindi pa rin talaga ako parte ng lugar na iyon.

Tulad nga ng sinabi ko sa itaas, hawak ko ito kaya ako rin ang may kasalanan nito, pero sa maniwala man o sa hindi, sinubukan ko.

Nahihirapan lang din siguro ako sa hindi nagbabagong pagtrato sa akin na parang isang dayo. Pero... Ibang istorya na ito. Haha.

Mabalik na sa paglipat ng computer...

Nitong mga nakakaraang araw gusto ko na talaga gawin ang matagal ko nang gustong gawin - ang magsulat. Pangarap ko kasi talagang maging writer. Hindi ko na makita ang sarili ko na iba ang ginagawa. Nakakatawa lang isipin na tanggap ko sa sarili ko na kahit hindi man tangkilikin ang mga gagawin ko, alam kong magiging masaya ako basta makapagsulat lang. Siguro kukuha ako ng kahit anong trabaho na maaasahan kong hugutan ng pera buwan-buwan, pero hindi ako hihinto magsulat.

Ngayong umaayon na sa akin ang paligid ko, sa tingin ko ito na ang hudyat ko.

Mayroon na kong dalawang nagawa. Ipinacheck ko sa kuya ko kasi iyon nagsusulat talaga, news nga lang pero pwede na. Draft pa lang ang mga iyon. Di naman sa pagmamayabang pero tatlong oras ko lang ginawa. (Insert evil laugh)

Ipinacheck ko kasi gusto ko malaman kung may sense ba ako kahit paano, kung may patutunguhan ba ako. Kung meron ba akong raw somethin' sa akin. Hahaha. Naniniwala kasi ako na kapag meron ako nung raw somethin' na iyon, maniniwala na ako na may espesyal na katangian sa akin tulad ng mga sinasabi sa ilang pelikula na ang bawat tao ay mayroong distinct somethin' sa kaniya. Ito ang nagtulak sa akin na kahit draft pa lang, ipacheck ko na para matapyas na agad yung rough edges.

Lumilinga-linga ako sa paligid ko tuwing hihinto ako mag-type. May iba na talaga. Mula dito sa itaas, iba na ang nakikita ko.

Mula sa araw na ito, sa tingin ko mag-iiba na rin ang takbo ko.

Siguro kung medyo down rin ang makakabasa nito, try mo lang umakyat at tignan ang paligid mula sa itaas. Baka may mag-iba rin sa'yo. :)

***

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento