Miyerkules, Agosto 20, 2014

Eto, oh! Nakabulatlat Na!

Sabi sa akin ng tatay-tatayan ko sa trabaho ko dati, malungkot daw akong tignan. Biro nga niya sakin kailangan ko na raw magkaroon ng boyfriend.

Di ko alam kung bakit ganoon yung naiisip tuwing merong isang tulad ko na pakalat-kalat sa paligid. Purkit ganon ang dating, iyon na ba agad ang kulang?

Pero sa lagay nung tatay-tatayan ko, biro lang talaga yon. Alam kasi niya na hindi ko gagawin yon. Sabi niya sa amin ng mga kasamahan ko, ako raw yung tipo na kahit saan mo ilagay, di papasok sa isang relasyon. Tiwala raw siya sa akin pagdating sa ganong bagay.

Sa totoo lang, masaya ako mag-isa o mas maganda sigurong sabihin na kuntento na kong mag-isa. Nakakapamili ako nang naka-push cart kahit chichirya lang ang bibilhin ko, inaabot ako nang siyam-siyam sa pagpili ng jeep na sasakyan kasi mapili ako sa itsura non, nakakalinga-linga ako sa paligid habang naglalakad at muli ay inaabot ako nang oras dito, nakakapulot ako ng istorya sa pagchika sa akin ng mga nasa mga mahahabang pila dahil di ako sumisingit, nakakakain ako nang madami kumpara sa normal, nakakapaglaro ako ng Battle Realms at DoTA kapag gusto ko, at nakakatulog ako sa sarili kong oras.

In short, selfish bitch ba. Kuntento na ako sa ganito.

Iniiwasan ko na rin siguro yung kung anong sasabihin kung sakaling may sumama sa akin sa mga kagagahan kong ito. Pinanghahawakan ko kasi yung, "Kung walang mabuting sasabihin, mabuti pang manahimik na lang."

Iwas na lang.

Tulad nung isang beses na may mga sumama sa akin sa pagpunta sa Eastwood via Ortigas. Malinaw naman ang sinabi ko na eksperimento lang yon kasi titignan ko kung ano yung mas malapit bilang di ko pa naman naranasan dumaan don. Sabi ko maghiwalay kami sa MRT, bababa akong Ortigas at tumuloy sila sa Cubao. Nagpumilit silang sumama sa akin.

Mayroon kaming mahabang lakaran. Uminit talaga ang ulo ko nang sisihin ako nang isa na dahil daw sa akin, masakit na mga paa niya.

Nahiya naman ako kay koya. Sorry naman sa katangahan mong magpumilit sumama sa akin. May nalalaman ka pang para safe ako. Koya, di kita kailangan. Never kita kinailangan.

Iyon talaga yung mga pagkakataong iniiwasan ko. Ayokong humantong sa biglaang transformation ko ang mga pangyayari. Sumpa man. Hindi talaga maganda.

Pero kung seryosong usapan... Siguro kaya ako ganito, proteksyon na din. Baka kasi kapag nalaman nang iba yung mga naiisip ko, masaktan lang ako.

Sawang-sawa na ko sa ganon.

Tulad ngayon. Kung anu-ano na naman tumatakbo sa isip ko.

Birthday ng kapatid ko ngayon pero hindi pa kami nakapagtanghalian. 17 years old na siya.

Kagabi ipinaalala ko sa kuya ko yung pambayad sa kalahati ng tuition ko na sabi naman niya last week na gawin ko. Pero nakasama pa kasi wala daw siyang pera kasi di pa daw siya sumusweldo. Ang masaklap pa, sa kanya din humihingi si mommy ng pang araw-araw namin. Sabi niya pinapatay na raw namin siya.

Ito yung tipo ng bagay na tumatakbo sa utak ko kapag nasa school ako. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na dapat may mapala ang kuya ko sa pagpapaaral niya sa akin.

Ayon. Kung gaano man kagulo 'tong post na ito, ganon din kagulo utak ko.

Sa lagay ng loob ko na yan, magdadagdag pa ba ako ng ingay mula sa labas?

Hindi na.

Kaya sa kaklase kong nagtanong kung bakit ang tahimik ko at di ako sumasama sa mga paglabas ng mga barkada sa klase, ito na siguro yung pinakamaayos na paliwanag na maibibigay ko sa ngayon.

Di kasi ako sanay na magliwaliw nang alam kong may isang bagay na hindi ayos. Ito rin ang dahilan siguro kung bakit nasasabi niyong matalino ako.

Hindi. Sadyang di lang kayo nag-aaral kasi hindi niyo prayoridad iyon.

Ginagawa ko lang yung sa tingin ko ay dapat at kahit paano makakatulong sa kuya ko.

Pero, oo, KJ din ako. 😉

Lunes, Agosto 18, 2014

Para Sa Iyo, Lola.

Dear lola,

Ngayon po ang unang araw ng midterms namin. Akala ko po di ko kakayanin kasi sabay sabay yung quiz 2, quiz 3, at midterm exam. Madaming Mondays din po kasi yung nawalan kami ng pasok kaya isang bagsakan po kanina.

Di naman kami makapagreklamo kasi college na rin. Okay na rin kasi parang paghahanda na rin sa mga rush projects kung sakaling nasa trabaho na kami.

2 hours po yung binigay para sa tatlong parts nung exam na yon. Awa po ng Diyos, nasagutan ko naman sa abot nang makakaya ko. Sinunod ko po yung sabi niyo sa amin noon, "Mag-aral lang nang mabuti, at humingi ng gabay parati."

Nalula po talaga ako sa exam. Ang hirap pa po kasi walang aircon o kahit bintilador man lang. Dalawang oras ding tumatagaktak pawis ko. Namaho nga po ako weh. Haha.

Chineckan din po namin yung papel pagkatapos. Namula na lang po talaga ako nung ibalik sa akin yung mga papel ko. 93 po yung quiz 2, 97 ang quiz 3, at 91 ang midterm.

Di lang po iyan. Highest pa po ako sa klase sa tatlong eksamen.

Nilapitan pa po ako nung prof para batiin. Di daw po niya akalain na may ganong mahusay sa subject niya sa course namin.

Nagmadali po ako umuwi para sabihin kela mommy kaso tulog siya pati na rin yung bunso kong kapatid kaya sa inyo ko na lang po sabihin. Tulad nang dati, alam ko lagi kayong handang makinig.

Nung Sabado nga po pala napuri din yung ginawa kong dagli. Marami mang dapat pang pag-igihin, naroon naman daw po yung potensyal.

Meron lang po akong di masagot na isang tanong, "Ano yung bagay na hindi ko kayang mawala?"

Hindi po ako makasagot kasi wala akong maisip. Tinanong po ako kung kaya ko raw bang makatagal nang isang araw na walang phone, syempre po. Wala naman na kong tinetext. May laruan daw po ba ako na di pa nabubuksan, meron naman, pero kaya ko naman na mawala yon.

Sabi po sa akin, mag-isip daw ako ng isang bagay na di ko kakayaning mawala sa akin at iyon ang gawin kong instrumento sa dagli ko sa susunod.

Anong bagay?

Wala po talaga akong maisip.

Wala na kong bagay na di kakayaning mawala kasi ikaw na po ang pinakaimportante sa akin.

At wala ka na...

Kung yung bagay na iniwan niyo sa akin... iyon na siguro ang edukasyon at ang iba pang leksyon...

Pero...

Di naman po ako nangamgambang mawaglit iyon dahil ang ibinigay niyo po sa akin ay isang bagay na wala kahit sino man ang makakaagaw. Ganon kayo kahusay. Ganon niyo ako kamahal.

Kaya kahit ano man ang makamit ko sa pagpapatuloy ko sa pag-aaral na ito, hinihiling ko sa mga anghel na dalhin nila lahat ng ito diyan sa langit bilang pagpapasalamat ko sa inyo at sa Diyos.

Kung magkukuwento po kayo diyan ng tungkol sa edukasyon niyo, huwag niyo pong sasabihin na hanggang grade 5 lang kayo. Kasi, sa bawat pag-angat ng antas ko, kasama ko po kayo.

Naunsyame man nang isa o dalawang taon ang pagtatapos natin, makakaasa rin po kayo na darating din tayo doon.

Miss na miss ko na po kayo, lola. Sana masaya kayo sa kung ano man ang naaabot ko ngayon.

Muli po ay salamat.

Mahal na mahal kita.


Love,
M.E.

Huwebes, Agosto 14, 2014

Patak sa Malaking Siwang

Malaki ang banta ngayon sa ating identidad bilang mga Pilipino. Noong nakaraang Sabado ay ibinalita sa amin na nagsimula na ang sibakan ng mga propesor ng Filipino sa ilang pribadong paaralan sa kolehiyo.

Sinabihan na rin kami na maaari nang mawala ang aming kurso. Iilan na lamang daw kami sa mga nalalabing magtataguyod ng Wikang Filipino sa hinaharap sa iba't ibang larang sa kabila ng banta na isalin sa wikang banyaga ang mga bernakular na katha upang makiayon sa pag-iiba ng sistema ng edukasyon.

Nangangamba ngayon ang mga propesor tulad ng sa akin na sila ay maiipit sa mga nag-uumpugang bato hinggil dito. Nariyan ang sabi na ang mga nagtuturong regular ay bibigyan ng prayoridad sa paglilipat sa sekondarya kung sakaling maganap na nga ang napipintong sibakan. Ang mga "part-timers" kung tawagin ay ang mga "casualties" bilang sila ay kung ituring ay salingkit lamang.

Kahit pa may ganitong plano ay di pa rin ubra dahil sa sekondarya raw ay may kwalipikasyon na dapat ay LET passer na ang karamihan sa mga propesor ay hindi, para pa rin tuloy silang mga gagambang nakabitin sa pabigay nang kisame ng sistema.

Ang k-12 daw ay sagot sa mababang lebel pagdating sa kumpitensyon ng mga Pilipino sa labas ng bansa. Kapag nangingibayo ay hindi matanggap-tanggap sa angkop na trabaho sa kurso dahil kulang sa taon ng edukasyon. Kaya ang ginawan ng solusyon ay ang bilang ng taon, hindi ang kalidad at prayoridad na makaranas ng edukasyon ang marami. Idagdag mo pa rito ang di pagtugon sa kakulangan ng mga guro, aklat, silid-aralan at maging sa mismong establisimyento ng paaralan; sa pagpapabuti sana sa mga ilalaang bilang ng maaayos na trabaho sa hinaharap - pinili nilang tahakin ang madaling daan.

Sa aking pananaw ang ginawa ay tila pag-retoke sa panlabas na anyo ng nabubukbok sa loob na edukasyon. Pinagaganda ito sa labas upang maging kaaya-aya sa paningin ng mga banyaga. Sa halip na kinisin ang detalye mula sa loob ay hahayaan nang manatili sa kalidad na "pwede na."

Sumisibol ang ganitong mga ideya dahil narito ako sa mababang antas ng lipunan. Lahat ng mga nasabi ko ay base lamang sa mga naririnig at nakikita. Limitado ang kaalaman, walang kakayahan na makapagsaliksik sa mas malalim na lupa na pinag-uugatan ng problemang ito. Ngunit isa lang ang natitiyak ko - narito ako sa lebel na nakikita ko ang nagaganap sa lipunang ginagalawan ko, malayo at di kabilang sa mga nasa itaas na hindi na makayuko pa dahil silaw na sa nagkikinangang gintong palawit na pamain sa kanila ng banyagang konsepto at idealismo. Sila, na sa kasamaang palad ay ang mga may hawak sa kalakaran ng bayang ito.

Sa huli, ano pa nga ba ang pwedeng gawin nang isang hamak na tulad ko kundi maghimutok nang maghimutok? Mga salita na lamang ang pinanghahawakan na sa huli ay walang mapapala dahil di rin naman pinaglalaanan ng panahon at pinakikinggan.

Luho nang ibulalas sa hangin ang lahat at umasang ito ay may kapupuntahan.

Miyerkules, Agosto 13, 2014

Pagtatakda

Simula ng klase, tinanong kami ng propesor namin kung bakit ang kursong iyon ang napili namin. Nakakatawa yung pakiusap niya. Kung ang sagot daw ay dahil wala nang bakante sa ibang kurso, wari daw ay magsinungaling na lamang.

Pagod na pagod na raw siyang marinig iyon dahil paulit-ulit na tinatarak ang kanyang puso mula pa noong siya ay magturo sa kolehiyo.

Umandar ang agos ng pagsagot mula sa pinakakanan. Dalawang silya bago ang akin, naririnig ko na ang pintig sa aking dibdib. Nanlalamig na rin ang aking mga kamay.

Takot. Iyan ang nadarama ko - takot na baka kutyain ako dahil sa aking sagot.

"Pinili ko po ito kasi naniniwala ako sa kapangyarihan ng mga salita. May karanasan po kasi ako nung highschool na napatunayan ko ito." pigil ang aking hininga pagkatapos sumagot.

Tumango nang isa ang propesor, "Okay. Next."

Nang marinig ko iyon, lumuwag ang aking dibdib at muli nang tumimtim ang pintig. Magkahalong gulat at ginhawa ang bumalot sa akin.

Totoong makapangyarihan ang mga salita. Maaari kang mag-angat at yumurak gamit ang mga ito.

Di ko batid noong may biyaya pala akong ganito. Sa di sinasadyang pagkakataon ay nakatapak ako ng mga tao - mga taong lubos na nagtiwala sa akin. Hindi naging sapat ang mga salita. Nilamon lamang ito ng bangis ng makapangyarihang leon na nabangga ko noon.

Simula sa puntong iyon, sabi ko sa sarili ko ay hindi na ako muli gagamit ng mga salita kung di rin lamang makakabuti.

Nawa pagkatapos ko sa kurso ko ay maibahagi ko ang biyayang ipinagkaloob sa akin. Wala mang kasiguraduhan ang aking patutungan, sinisiguro ko naman na tiyak ang aking bawat paghakbang.