Miyerkules, Enero 14, 2015

Sawi-il

Noong nakaraang Linggo nagpaalam ako sa kuya ko na nagpapa-aral sakin na hihinto muna ako sa pag-aaral para magtrabaho.

Kumplikado na ang sitwasyon dito sa bahay. Nakakasira na ng ulo, sa totoo lang.

Mahirap ipaliwanag kung ano talaga yung nararamdaman ko kaya, syempre, di kami nagkaintindihan ng kuya ko. Hindi niya ako pinayagan.

Sabi pa niya di na raw niya ko kakausapin kapag huminto ako.

21 years old na ko pero irregular 1st year student pa rin ako. Graduates na karamihan ng kasabayan ko nung 2010, pero heto ako, nagpupumilit huminto ulit. Ang gusto lang naman ng kuya ko makagraduate ako para makakuha ng magandang trabaho sa hinaharap.

Sabi niya mahihirapan daw ako kapag hindi ako makakuha ng diploma, sagot ko, wala namang madali.

Walang madali lalo na kung puso ang sinusunod. Iisa lang ang gusto nito mangyari - ang sumaya ako. Wala itong alam kung paano iyon abutin kaya kailangan ang utak para humanap ng diskarte.

Iyon sana ang gusto kong gawin. Handa na ako. Ngayong kinaya ko na lahat ng hirap na ipinaranas sa akin, ngayon pa ba ko susuko?

Mahirap lang bumitiw kasi sa lahat ng tao, ang kuya kong iyon ang pinakaayaw kong masaktan. Siya kasi sumalo sa akin noong bitawan ako ng tatay ko.

Sa tingin ko, bata pa rin ang tingin niya sa akin. Hindi ko naman siya masisisi kasi nakita niya kung paano ako umiyak noong mga panahon na iniwan ako sa ere.

Sa tingin ko naman, nasa hustong edad na ako para hindi maging pabigat. Oo, mahirap yung daan na gusto ko tahakin pero alam ko na iyon ang gusto ko - gusto kong maranasan ulit na magbanat ng buto, mapagod sa byahe, magutom sa trabaho, at pagkatapos ng mga iyon ay sumweldo, mag-ipon, at mabigyan ng konting kaginhawan ang pamilya namin.

Gusto kong maranasan ulit ang mga iyon dahil iyon ang makakapagpatibay sa akin. Umalis man ako ng unibersidad, hindi lang naman sa lugar na iyon nakukuha ang mga leksyon, lalo na iyong mga leksyon ng buhay.

Kung alam lang niya sana kung ano ang binubuno ko sa unibersidad ko ngayon, maiintindihan niya siguro ako. Nung binigyan ko naman siya ng detalye, sabi niya pagtiyagaan ko na lang daw.

Sa totoo lang, para akong yung labing-isang taong batang pilit na isinakay sa maliit na kotse-kotsehang paikot-ikot lang sa peryahan dahil nakasakay din doon ang maliliit kong mga pinsan. Tungong-tungo ang ulo ko sa hiya.

Gusto kong kumawala roon. Gusto kong umalis sa gawi ng karamihan.

Sabi ko kay Kuya, mag-iipon na lang ako para makapag-aral sa ibang bansa. Kahit may alinlangan akong itutuloy ko pa ang pag-aaral, wala na akong maisip na ibang dahilan para makumbinse siya.

Sa huli, sabi niya, huwag pa rin ako tumigil.

Mahal ko siya. Importante siya sa akin kaya hindi ko siya susuwayin. Parang iyon na lang kasi yung hinihingi niyang kapalit ng lahat ng itinulong niya sa akin.

Hindi ako masaya. Marami sana akong gustong gawin. Tatlong taon lang naman ang hinihiling niya sa akin. Mabilis lang naman daw iyon.

Sana.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento